MANILA, Philippines – Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) na wala itong ipinalabas na bagong patakaran hinggil sa pagkuha at pag-renew ng driver’s license ng mga senior citizen, taliwas sa kumakalat na impormasyon sa social media.
Sa isang Facebook post noong Miyerkules, pinabulaanan ng LTO ang mga video na nagsasabing magkakaroon ng bagong driver’s license rules para sa senior citizens simula Marso 1, 2026.
“WALANG KATOTOHANAN ang kumakalat na impormasyon o ‘video’ sa social media tungkol sa mga umano’y ‘Bagong Driver’s License Rules Para Sa Senior Citizens Simula March 1, 2026,’” ayon sa ahensya.
Itinanggi rin ng LTO ang mga pahayag tungkol sa umano’y bagong medical requirements, mas mahigpit na renewal process, at pagbabago sa validity period ng lisensya ng mga senior driver.
“Ang mga pahayag sa nasabing video hinggil sa bagong medical requirements, mas mahigpit na renewal process, o anumang pagbabago sa validity period para sa mga senior driver simula sa petsang nabanggit ay HINDI OPISYAL at HINDI TAMA,” dagdag ng LTO.
Binigyang-diin ng ahensya na wala itong inilabas na anumang directive o memorandum tungkol sa bagong guidelines, at nananatiling epektibo ang kasalukuyang mga patakaran. Hinikayat din nito ang publiko na kumuha ng tamang impormasyon mula sa opisyal nitong Facebook page at website. Santi Celario