Home NATIONWIDE ICC proceedings ni Duterte, ‘political’ – abogado

ICC proceedings ni Duterte, ‘political’ – abogado

181
0

THE HAGUE, Netherlands – Tinawag ng mga Pilipinong abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na “political” ang mga pagdinig sa International Criminal Court (ICC) at binatikos ang presentasyon ng prosekusyon at ng kampo ng mga biktima bilang “theatrics.”

Kaayon ito ng pahayag ng lead defense counsel na si Nicholas Kaufman, na nagsabing nais umano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “neutralize” ang legacy ng dating pangulo.

“Personally, I see it as a political matter. Parang balewala ebidensya dito, theatrics e,” ani dating Executive Secretary Salvador Medialdea.

“Puro storya lahat na hindi natin alam anong oras, sino kailan, walang sufficient definite test,” dagdag niya.

“Probably, hindi natin alam ang procedure dito sa ICC paano ba ang sistema nila but as lawyers we expect something different. Bigyan ninyo kami ng masasagot namin nang tama,” aniya.

Ayon kay abogado Martin Delgra, malinaw umano ang “political character” ng kaso mula pa sa “forced surrender” at “kidnapping” ng dating pangulo noong Marso 2025 sa Maynila.

Sinabi rin niya na may umiiral na polisiya ang gobyerno, mula administrasyon ni Corazon Aquino hanggang kay Marcos Jr., na gamitin ang lahat ng paraan upang maiuwi ang mga Pilipinong inaaresto, dinidetine o nililitis sa ibang bansa.

“Yun ang nakapagtataka bakit hindi magawa-gawa dito yan sa isang matanda at sakitin, frail as he is now,” aniya.

“Wag na natin sabihing former president. Itrato na lang natin bilang isang Pilipino. Bakit hindi magawa-gawa ng administrasyong Marcos? That is proof na may political character itong prosesong ito.”

Samantala, sinabi ni dating Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo na kumbinsido siyang nais ng kasalukuyang administrasyon na mapaalis si Duterte sa Pilipinas sa kabila ng naunang pahayag ni Marcos Jr. na hindi niya igagalang ang anumang warrant mula sa ICC.

“The goal is to preserve his hold on power,” aniya.

“Ang mga roadblock sa kanila itong mag-amang Duterte. Plinano na nila yan from the very start.”

Tiwala ang kampo ni Duterte na maghahain si Kaufman ng “very strong defense against confirming the charges” sa itinakdang rebuttal sa Pebrero 26.

Ayon kay Delgra, ang video na iniharap ng prosekusyon hinggil sa pamamaril sa Agdao Public Market sa Davao ay “rebuked” umano ng mismong kumuha ng video.

“Everything, according to him, is not what the ICC prosecutor was trying to portray before the ICC judges,” aniya.

“Pagdating naman doon sa representatives of the victims, it’s all rhetorics, not a single piece of substantial evidence because that is the basis of the ICC to confirm the charges,” dagdag niya.

“It is all a rhetorical narrative… they even mentioned that it was a war against the poor. Nakapagtataka, yung former president is close to the poor. What is there to say that it is a war against the poor? It is a war against illegal drugs.”

Sa unang dalawang araw ng apat na araw na pagdinig, ipinaliwanag ng prosekusyon at ng mga abogado ng biktima kung paano umano isinagawa ni Duterte ang sistematikong pagpatay sa mga hinihinalang drug users noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo noong 2016.

Sinabi ng kampo ni Duterte na hindi sila magugulat kung kukumpirmahin ng Pre-Trial Chamber I ang kasong crimes against humanity laban sa dating pangulo, kahit may nakabinbing apela kaugnay ng hurisdiksyon ng ICC.

“May nag-question sa jurisdiction mo, pending appeal tapos siniset mo na for hearing… ano ba tawag doon? Ibig sabihin itutuloy mo yan. Prini-preempt mo at prini-pre-judge mo na lahat,” ani Panelo.

“So hindi ako magtataka kung ganoon ang mangyayari,” dagdag niya.

Hindi dumalo sa pagdinig ang 80-anyos na si Duterte matapos payagan ng Pre-Trial Chamber I ang kanyang kahilingan na i-waive ang kanyang karapatang humarap sa proseso, na magpapasya kung may sapat na ebidensya upang ituloy sa pormal na paglilitis ang kaso.

“Mas magandang hindi siya mag appear kasi hindi niya nire-recognize ang jurisdiction ng ICC,” ani Delgra.

“It validates or it dignifies the ICC if he will appear before the ICC. Might as well not appear. He’s bringing his fight right on the court.” RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here