Home METRO Spox ng Iloilo, sumuko sa warrant ng 2 cyber libel

Spox ng Iloilo, sumuko sa warrant ng 2 cyber libel

179
0

ILOILO, Philippines – Boluntaryong sumuko noong Miyerkules si Jose Nereo Cajilig Lujan, hepe ng Public Information and Community Affairs Office (PICAO) ng Iloilo Provincial Government, matapos kumpirmahing may inilabas na warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng dalawang bilang ng cyber libel.

Ayon kay Lujan, nagpiyansa siya ng tig-P48,000 para sa bawat bilang matapos maglabas ng warrant ang Regional Trial Court Branch 38 Sixth Judicial Region na pinamumunuan ni Judge Judita Patriarca Nafarrete.

Batay sa impormasyon, nag-ugat ang kaso sa cyber libel complaint na inihain ni dating Iloilo City Mayor Jerry Treñas.

Kinumpirma ni Lujan na walong bilang ng cyber libel ang orihinal na isinampa laban sa kanya ngunit dalawa lamang ang pinagtibay ng korte, na nagresulta sa pag-isyu ng warrant of arrest. Kaugnay ang mga kaso sa umano’y paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at sa mga probisyon ng Revised Penal Code tungkol sa libelo.

Sa isang pahayag, sinabi ni Treñas na isinagawa ang legal na hakbang matapos ang masusing pag-iisip at nakabatay sa prinsipyo, hindi sa personal na motibo.

“This is not about personal vengeance. It is about drawing the line between criticism and character assassination,” ani ng dating alkalde.

Dagdag niya, mahalaga ang kalayaan sa pamamahayag sa isang demokrasya ngunit hindi ito dapat gamitin upang magpakalat ng kasinungalingan o sirain ang reputasyon ng isang tao.

“Freedom of speech, while sacred, is not absolute. It was never meant to be a license to lie, to malign, or to deliberately destroy a person’s name built over a lifetime of service,” dagdag niya.

Sinabi rin ng dating alkalde na patuloy siyang nagtitiwala sa legal na sistema at binigyang-diin na mahalaga ang pananagutan at responsableng pagpapahayag sa isang demokratikong lipunan.

Inaasahang magpapatuloy ang pagdinig sa kaso matapos makapagpiyansa si Lujan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here