LEYTE, Philippines – Patay ang isang 67-anyos na magsasaka at ang kanyang kalabaw matapos makuryente Miyerkules ng umaga sa isang palayan sa Barangay Bantigue, Ormoc City, ayon sa mga awtoridad.
Kinilala ng pulisya ang biktima sa alyas na “Turning,” may asawa at residente ng Sitio Laray, Barangay Borok, sa parehong lungsod.
Ayon sa police report, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa insidente alas-12:20 ng tanghali.
Agad nagtungo ang mga rumespondeng pulis sa Purok 6, Barangay Bantigue, na halos isang kilometro mula sa highway.
Dahil sa lubak at maputik na daan, naglakad pa ang mga pulis sa gitna ng palayan upang marating ang lugar.
Natagpuan ng mga imbestigador ang bangkay ng magsasaka sa madamong bahagi malapit sa ilog, habang ang kanyang kalabaw ay natagpuang patay sa tubig.
Sa paunang imbestigasyon, napag-alamang itinali ang kalabaw sa lugar magdamag upang manginain.
Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na ang tali ng hayop ay aksidenteng napulupot sa live electrical wire na konektado sa submersible water pump na nakakabit sa barangay.
Dahil dito, umano’y kumalas ang kawad at nagkaroon ng kuryente ang paligid na siyang ikinamatay ng kalabaw.
Ayon sa pulisya, bandang alas-9 ng umaga nang pumunta ang magsasaka sa palayan upang mag-araro at kunin ang kanyang kalabaw.
Nang makita niyang naipit ang hayop, lumusong umano siya sa ilog upang pakawalan ito, hindi batid na may live wire na nagpakuryente sa tubig at kalapit na lupa. Doon siya nakuryente at nasawi.
Una nang hiniling ang pagresponde ng Scene of the Crime Operatives para sa masusing imbestigasyon, ngunit kalaunan ay ipinakiusap ng anak ng biktima na kanselahin ang nasabing kahilingan. RNT/MND