MANILA, Philippines — Nanawagan ang isang youth group nitong Huwebes para sa agarang pagpapalaya sa dalawang raliyista na inaresto sa paggunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa EDSA-Ortigas.
Nagtipon ang mga miyembro ng Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) sa himpilan ng Mandaluyong Police upang kondenahin ang pag-aresto kina Three Odeña at Edel Parducho habang isinasagawa ang kanilang inquest proceedings.
“Our comrade, Three was peacefully documenting the attempts by the Philippine National Police to cut off our contingent from our march to Ortigas when her arresting officer suddenly shoved and pulled her hair multiple times before being forcefully arrested by the police,” pahayag ni SPARK spokesperson Milo Basuel.
“Before her arrest, stationed police officers were already trying to seize Three’s camera as she documented the brutality unleashed on youth activists,” dagdag pa niya.
Ayon sa SPARK, ang pag-aresto sa dalawa noong Miyerkules ay isang anyo ng police brutality at pagsupil sa kalayaan sa pagpapahayag. Sinabi rin ng grupo na ang mga “trumped-up cases” laban sa dalawa ay “mere pretenses to cover up police brutality enacted by the Eastern Police District.”
Nauna namang sinabi ni PNP Directorate for Operations chief Police Brigadier General Ponce Rogelio Peñones na may maliit na grupo umanong naghagis ng mga bagay sa mga pulis bago magsimula ang programa sa EDSA Shrine. Dalawang indibidwal ang inaresto at inilagay sa kustodiya ng pulisya.
Ayon kay Peñones, hindi bababa sa tatlong pulis ang nagtamo ng minor injuries kabilang ang pasa, sugat, at concussion. Maaari umanong maharap ang mga inaresto sa mga reklamong direct assault, resistance and disobedience to a person in authority, alarm and scandal, at paglabag sa mga lokal na ordinansa.
Aniya, nagsimula ang komprontasyon habang pinamamahalaan ng pulisya ang daloy ng trapiko sa southbound lane ng EDSA malapit sa Ortigas, kung saan may ilang protester na walang permit ang umano’y nagtangkang okupahin ang buong linya ng kalsada. Santi Celario