Home METRO FLM ‘di nakapagpiyansa, inilipat sa Parañaque City Jail

FLM ‘di nakapagpiyansa, inilipat sa Parañaque City Jail

244
0

MANILA, Pilipinas — Hindi pa nakapagpiyansa ang internet personality na si Norman Mangusin, na mas kilala bilang Francis Leo Marcos (FLM), at kasalukuyang nakakulong sa Parañaque City Jail Male Dormitory, ayon sa mga awtoridad nitong Biyernes.

Inilipat si Mangusin sa kulungan dakong 10:20 a.m., ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Joseph Bustinera.

Inaresto siya noong Martes, Pebrero 24, ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng 12 bilang ng unjust vexation na isinampa ng isang vlogger sa Parañaque City Regional Trial Court Branch 294. Ayon kay Col. John Guiagui, CIDG chief sa Metro Manila, itinakda sa P120,000 ang piyansa sa bawat bilang.

“Either there’s a problem with his documentation, or he doesn’t have enough bail for the P120,000 amount,” pahayag ni Guiagui sa panayam sa Camp Crame.

Nakatakda ang arraignment ni Mangusin sa Marso 2 sa isang korte sa Parañaque, dagdag ni Guiagui.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot si Mangusin sa mga kaso. Kamakailan, inakusahan din siya ng paggawa ng offensive statements laban kay National Police Commission Executive Officer Rafael Calinisan, Land Transportation Office Chief Markus Lacanilao, at dating senador na si Manny Pacquiao.

Noong 2020, inaresto rin siya ng National Bureau of Investigation dahil sa umano’y paglabag sa Revised Optometry Law of 1995 matapos maakusahan na namahagi ng salamin nang walang pahintulot ng Philippine Association of Optometry.

Pumasok din sa pulitika si Mangusin at nagtapos sa ika-27 puwesto sa 2022 senatorial race na may mahigit 4.5 milyong boto. Muli siyang tumakbo noong 2025 ngunit una siyang idineklara bilang nuisance candidate ng Commission on Elections. Binaligtad ito ng Korte Suprema, subalit umatras siya sa kandidatura at sinabing nais niyang “give way” kay Sen. Imee Marcos na noon ay naghahangad ng reelection.

Una ring maling inangkin ni Mangusin na siya ay anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here