Home NATIONWIDE Puganteng Koreano, muling naaresto ng BI at NBI

Puganteng Koreano, muling naaresto ng BI at NBI

147
0

MANILA, Philippines – MULING naaresto ng Bureau of Immigration (BI), katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI), ang isang Koreanong pugante matapos ang halos dalawang buwang pagtatago makaraang makatakas sa warden facility sa Muntinlupa noong unang araw ng Enero.

Kinilala ang nadakip na si Lee Jingyu, 32-anyos, na matagal nang wanted at may nakabimbing Summary Deportation Order dahil sa pagiging undesirable alien. Nasa ilalim din siya ng Interpol Red Notice kaugnay ng umano’y drug smuggling case sa Korea.

Isinagawa ang manhunt operation noong gabi ng Pebrero 26 sa kahabaan ng Diosdado Macapagal Boulevard sa Barangay Tambo, Parañaque City, na pinangunahan ng Fugitive Search Unit (FSU) sa pakikipagtulungan sa Intelligence Division–Special Response Team (ID-SRT).

Matatandaang tumakas si Lee noong Enero 1 mula sa BI Warden Facility sa Muntinlupa. Ayon sa intelligence reports, palipat-lipat ito ng lugar mula Maynila hanggang Baguio at iba pang kalapit na probinsya upang iligaw ang mga awtoridad.

Nauna nang naaresto ang kapwa niya detainee na si Yang Heejun noong Enero 14 matapos ang masusing tracking operations ng mga awtoridad.

Sa muling pagdakip kay Lee, nadamay din ang isa pang Koreanong si In Jaesang, 41-anyos, na umano’y nagsisilbing lookout at escort ng pugante tuwing lalabas ito sa publiko. Nang hingan ng dokumento, bigo itong magpakita ng balidong pasaporte kaya agad din itong dinakip.

Nagbabala si BI Commissioner Joel Anthony Viado na walang puganteng makakatakas sa batas ng Pilipinas at walang dayuhang maaaring maghasik ng panganib sa seguridad ng bansa.

Pinuri rin ng BI ang pakikipagtulungan ng mga ahensiya, kabilang ang Korean authorities, Intelligence Operations Division ng NBI, DICT–Cybercrime Investigation and Coordinating Center, at iba pang intelligence forces ng gobyerno na naging susi sa matagumpay na operasyon.

Samantala, iniulat din ng BI ang deportasyon ng isa pang Korean national na si Na Ikhyeon, 28-anyos, na lumipad sakay ng Asiana Airlines sa NAIA Terminal 1.

Wanted ito sa Korea dahil sa umano’y panloloko sa investment schemes kung saan hinikayat ang kapwa Koreano na mag-invest sa pekeng accounts at kalaunan ay winithdraw ang pera para sa pansariling pakinabang.

Nauna nang naaresto si Na noong Mayo 31, 2023, sa Clark International Airport matapos tangkaing umalis ng bansa gamit ang pekeng Philippine passport. Sa ngayon, pansamantalang nasa kustodiya ng NBI sina Lee at In habang hinaharap ang kanilang deportation proceedings.

JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here