Home METRO 6-anyos utas, tatay pinagbabaril ng ex-kagawad sa Cavite

6-anyos utas, tatay pinagbabaril ng ex-kagawad sa Cavite

248
0

MANILA, Philippines – Isang mag-ama ang tinambangan at pinagbabaril ng dating kagawad ng barangay na nagresulta sa pagkamatay ng isang 6-anyos na bata sa Silang, Cavite, kamakalawa ng gabi.

Base sa nakalap na report, isinugod pa sa Tagaytay Medical Center ang mag-ama na sina alyas Sab, 35, isang caretaker, at anak nitong si alyas Ruel, 6, kapwa residente ng Brgy. Pasong Langka, Silang, Cavite, subalit namatay din ang bata dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo mula sa suspek na si alyas Elpedio, 68, ng Brgy. Ulat, Silang, Cavite.

Ayon sa ginawang imbestigasyon ni Pat. Minervin Castillo ng Silang Municipal Police Station, dakong alas-8:00 kamakalawa ng gabi nang naganap ang insidente. Una rito, nagtungo ang mag-ama sa Barangay Hall sa Brgy. Ulat upang magsampa ng reklamo laban sa umano’y anak ng barangay chief na sa huli ay nagkasundo na ipapagamot na lamang ang kanilang anak.

Subalit habang pauwi na sila at magkaangkas sa motorsiklo, pagdating sa pinangyarihan ng insidente sa nasabing lugar ay pinagbabaril sila ng suspek, kung saan tinamaan sa kanang balikat ang ama habang sa ulo naman tinamaan ang anak.

Nilinaw ng imbestigador na walang kaugnayan sa pagsasampa nila ng reklamo laban sa barangay chief ang pagbaril sa kanila ng suspek na umano’y dating barangay kagawad sa ibang barangay.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa nasabing kaso. Margie Bautista

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here