MANILA, Philippines – Sumalang na sa plenaryo ng Senado ang isang panukalang batas na gawing awtomatikong kwalipikado sa Tertiary Education Subsidy (TES) ang mga high school graduate mula sa pamilyang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Inihayag ito ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian bilang suporta sa pagpapalawak ng tulong sa mga higit na nangangailangang mag-aaral, kabilang ang mga pamilyang sakop ng 4Ps.
Nakasaad sa panukalang Senate Bill No. 1894 na amyendahan ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act o ang batas para sa libreng kolehiyo.
Maliban sa awtomatikong kwalipikasyon sa TES para sa mga high school graduate mula sa 4Ps, isinusulong din ng panukalang batas ang monitoring at quality assurance sa pagpapatupad ng programa.
Gagawin ito upang matiyak na matatanggap ng mga kwalipikadong benepisyaryo ang TES grants.
Naaayon ang panukalang batas sa special provision na iminungkahi ni Gatchalian para sa national budget ng 2024 at 2025, kung saan tinutukan ang pagbaba ng porsyento ng mga TES beneficiary mula sa mga nangangailangang pamilya.
Naging bahagi ng 2024 at 2025 national budget ang panukala ni Gatchalian upang matiyak na ang mga mag-aaral mula sa mga pamilyang nasa ilalim ng 4Ps ay mabibigyang-prayoridad bilang mga benepisyaryo ng TES.
“Habang pinatitibay natin ang libreng kolehiyo, titiyakin nating prayoridad ang mga tunay na nangangailangang estudyante bilang mga benepisyaryo ng TES. Dapat masigurong tuloy-tuloy ang edukasyon nila,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance. Ernie Reyes