Home OPINION MARAMING BUTAS SA ALEGASYON NG 18 ‘MALETA SOLDIERS’

MARAMING BUTAS SA ALEGASYON NG 18 ‘MALETA SOLDIERS’

256
0

HABANG nakatutok ang publiko sa pagdinig ng International Criminal Court laban kay ex-president Digong Duterte, sumulpot ang 18 na indibidwal na nagpakilalang ex-Marines na umano’y naghatid ng maleta-maletang pera sa ilang pulitiko kaugnay ng flood control projects mula 2023 hanggang 2025.

Aabot umano sa P805-bilyon ang kabuuang halaga, malalaking pangalan ang nadadawit pero tila may kahinaan sa kanilang kwento.

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, may hindi pagkakatugma ang mga numerong inilatag kumpara sa opisyal na alokasyon para sa flood control sa mga nabanggit na taon.

Kung may problema sa mismong datos na pinaghuhugutan, paano magiging matatag ang buong salaysay?

Hindi rin kumbinsido si Lacson sa tunay na motibo sa likod ng paglabas ng mga alegasyon. Lumutang ang mga ito habang ginaganap ang ICC confirmation of charges hearing ng dating pangulo.

“Ang pinu-project du’n, napaka-corrupt ng ICC ‘di ba? Dahil nilagyan ng $2 million, allegedly, through former Senator Trillanes.”

Kapansin-pansin din ang pagkakataon ng paglabas ng alegasyon—isang araw bago ang anibersaryo ng EDSA People Power.

“Timing nila, bisperas noong Trillion (Peso) March, ‘yung 40th anniversary ng EDSA (Revolution),” dagdag pa ni Lacson.

Posible aniya na may bahid ng pulitika o bahagi ng mas malawak na destabilization narrative.

Samantala, iniulat ng Philippine Navy na apat sa 18 na ipinrisintang “Marines” ay hindi kailanman naging bahagi ng Marine Corps. Kung mapapatunayan ito, hindi lang ito simpleng isyu ng kredibilidad kundi indikasyon ng posibleng imbentong pagkakakilanlan.

Nadamay din ang pangalan ni ML Partylist RepLeila de Lima. Batay sa alegasyon, tumanggap umano siya ng maleta ng pera mula 2022 hanggang 2025.

Ngunit siya ay nakakulong hanggang November 2023 at nahalal lamang bilang mambabatas nitong 2025 elections. Hindi rin siya kabilang sa Kongreso na nag-apruba ng 2025 national budget.

Kung wala siyang direktang papel sa appropriations, ano ang lohika sa likod ng umano’y pagbibigay sa kanya ng malaking halaga?

Mabigat ang mga paratang at nararapat itong siyasatin. Gayunpaman, mabigat din ang mga puwang sa kwento na kailangang ipaliwanag.

Sa panahon ng matinding pagkakahati ng bansa, madaling lumikha ng headline, ang mahirap ay ang maglatag ng solidong ebidensya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here