Home OPINION KABIGUAN NG EDSA@40 (PART 2)

KABIGUAN NG EDSA@40 (PART 2)

197
0

MGA people’s organization at civil society groups din ang kumilos noong 1986. Sila ang nasa lansangan, nagsulong ng paninindigan, at nagbantay sa tagumpay ng tinaguriang EDSA People Power Revolution. Kaya bakit ngayon, sa ika-40 taon ng paggunita, tila sila pa ang kailangang harangin at pigilan sa pagrehistro ng kanilang mapayapang pagkilos sa EDSA?

Organisado ang mga grupong ito. May malinaw na programa, may disiplina, at may mga panawagang nakaugat sa mga isyung pambayan. Ang kaguluhan ay hindi nagmumula sa kanila kundi sa pagtatangkang busalan ang kanilang karapatang magpahayag. Kapag may harang, doon nagkakaroon ng tensyon. Kapag may pagpigil, doon umiinit ang sitwasyon.

Ano ang dapat ikatakot ng mga nasa kapangyarihan kung ang tangan lamang ng mga raliyista ay bandila, banner, at plakard? Kung mababasa man ang mga salitang “Marcos, singilin” o “Duterte, panagutin,” hindi ba’t bahagi iyon ng demokratikong diskurso? Ang paniningil sa mga naging danyos ng batas militar at ang panawagang panagutin ang mga responsable sa madugong kampanya kontra droga ay hindi krimen—ito ay karapatan.

Ang mapayapang pagkilos ay bunga mismo ng demokrasya na ipinaglaban sa EDSA. Kaya nakalulungkot na sa paggunita ng EDSA@40 ay tila may pagtatangkang higpitan ang espasyong minsang ipinaglaban para sa lahat.

Sa kabila ng mga harang, naidaos pa rin ang mga programa—ang ilang militanteng grupo sa paanan ng EDSA Shrine, at ang iba namang mas moderato malapit sa People Power Monument. Ipinakita lamang nito na ang tinig ng mamamayan ay hindi basta napipigilan.

Samantala, nagpahayag ang Palasyo na bahagi na ng kasaysayan ang EDSA at hindi na mababago, ayon kay Atty. Claire Castro, habang pag-aaralan umano ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukalang gawing taunang holiday ang anibersaryo ng EDSA.

Kung tunay na kinikilala ang diwa ng EDSA, hindi ito dapat ginugunita sa pamamagitan ng paghihigpit—kundi sa pagbibigay-laya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here