MANILA, Philippines – TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipagkakaloob ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng ng tulong na kakailanganin ng pinay caregiver na nasawi sa Israel kasunod ng lumalalang kaguluhan sa rehion.
Nauna rito, malungkot na ibinalita ni Pangulong Marcos na mayroon siyang natanggap na report na may Filipino casualty sa nangyayaring giyera sa Gitnang Silangan.
Sa mensahe ng Pangulo, sinabi nito na nai-report na sa kanya na ang namatay ay isang nagngangalang Mary Anne Velazquez De Vera na taga-Pangasinan, isang caregiver sa Israel.
“Siya po ay isang caregiver sa Israel na tinutulungan ang kanyang alaga para dalhin sa bomb shelter ngunit hindi na po naka-abot sa bomb shelter at inabutan na sila bago sila nakarating. Siya ay namatay dahil tinamaan ng shrapnel ng mga bumagsak na bomba. Na-identify na po siya ng kanyang asawa na isang OFW din na nagtratrabaho sa Israel,” ang pahayag ng Pangulo
Sa kabilang dako, siniguro naman ng Pangulo ang patuloy na gagawing pagmo-monitor ng gobyerno sa kalagayan ng mga Filipino na nasa gitna ng nagpapatuloy na giyera sa Middle East.
“Asahan po ninyo na kapag mayroong tayong mai-rereport ay irereport ko po sa inyo kaagad,” ayon kay Pangulong Marcos.
Matatandaan na una nang inatasan ng Pangulo ang Department of Migrant Workers (DMW) para tukuyin ang kinaroroonan ng mga kababayan sa mga apektadong lugar matapos magsagawa ng air strikes ang Estados at Israel sa Iran. KRIS JOSE