Home NATIONWIDE 17 patay sa pro-Iran protests sa Pakistan

17 patay sa pro-Iran protests sa Pakistan

175
0

PAKISTAN — Hindi bababa sa 17 katao ang nasawi sa iba’t ibang bahagi ng Pakistan nitong Linggo, Marso 1 habang nagkakagulo ang mga raliyista na nagpoprotesta sa pagkamatay ng Supreme Leader ng Iran na si Ali Khamenei.

Sa Karachi, tinangkang pasukin ng daan-daang pro-Iran protesters ang US Consulate na nagresulta sa marahas na engkuwentro sa pulisya.

Ayon sa tanggapan ng Karachi police surgeon, 10 ang kumpirmadong patay at mahigit 70 ang sugatan.

Nauna rito, siyam na biktima ang naitalang nasawi dahil sa tama ng bala, batay sa hospital report.

Sa lungsod ng Gilgit, pito pa ang namatay at marami ang nasugatan sa hiwalay na sagupaan sa pulisya, ayon sa rescue official na si Zaheer Shah.

Sa kabisera namang Islamabad, libo-libong raliyista ang nagmartsa bitbit ang larawan ni Khamenei. Gumamit ng tear gas ang pulisya upang buwagin ang mga nagtipon malapit sa US Embassy.

Sumiklab ang galit matapos ang malawakang air strikes ng Israel at United States laban sa Iran na ikinasawi ni Khamenei.

Tinawag ni Pakistani Prime Minister Shehbaz Sharif na “violation” ng international law ang pagpatay sa lider ng Iran.

“It is an age old convention that the Heads of State/Government should not be targeted,” ani Sharif sa X, habang nagpahayag ng pakikiramay sa mamamayan ng Iran.

Sa Skardu, sinunog ng mga nagpoprotesta ang isang tanggapan ng United Nations habang tatlong sasakyan ang tuluyang nasunog.

Naglabas naman ng abiso ang US at British embassies sa kanilang mga mamamayan sa Pakistan na mag-ingat dahil sa tumitinding kaguluhan.

Patuloy ang panawagan ng pamahalaan ng Pakistan para sa pagpipigil at pag-iwas sa lalong paglala ng tensyon sa rehiyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here