Home NATIONWIDE Imbestigasyon sa korapsyon sa infra projects sa Abra sisimulan na ng DPWH

Imbestigasyon sa korapsyon sa infra projects sa Abra sisimulan na ng DPWH

197
0

MANILA, Philippines – Kasalukuyang iniimbestigahan ang Abra, ang lalawigan sa Cordillera na pinanggalingan ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin sa isang internal corruption probe ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ukol sa multi bilyong pisong pandaraya at kickback sa mga proyekto ng imprastruktura ng gobyerno, ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon noong Sabado.

Sa isang panayam, sinabi ni Dizon na ang paunang imbestigasyon ay “may natuklasan” siya ngunit hindi na nagbigay ng karagdagang detalye.

Sinabi rin ni Dizon na wala pang koneksyon na naitatag kaugnay ng mga proyekto sa mga nabanggit na isyu sa mga nakaraang congressional inquiries at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), na kasalukuyang nire-review ng Office of the Ombudsman.

Ayon pa kay Dizon, ilang beses na siyang hinimok na suriin ang Abra ni Baguio Mayor Benjamin Magalong, dating espesyal na tagapayo ng ICI.

Bagamat hindi direktang binanggit ang Abra sa mga nakaraang congressional probes, ito ay kasama sa listahan ng 61 flood control projects sa Cordillera na nagkakahalaga ng P3.417 bilyon noong nakaraang taon. Sampu sa mga proyektong ito, na may kabuuang alokasyon na P842 milyon, ay nasa Abra.

Si Bersamin, isang dating punong mahistrado, ay umalis sa Malacañang noong Nobyembre matapos siyang masangkot sa iskandalo ukol sa umano’y P52-milyong insertion sa 2025 budget law.

Mariing itinanggi ni Bersamin ang anumang kontrol sa proseso ng badyet at ipinagtanggol ang kanyang pamangkin, si Presidential Legislative Liaison Office Undersecretary Adrian Bersamin, na nasangkot din.

Ang kanyang kapatid na si Eustaquio ay kasalukuyang gobernador ng Abra, habang ang isa pang kapatid, si Luis “Chito” Bersamin Jr., ay pinaslang noong 2008.

Ang bayan ng La Paz sa Abra ay nakarehistro bilang address ng Silverwolves Construction Corp., na kamakailan lamang ay napatigil ang mga assets dahil sa umano’y pagkakasangkot sa ghost projects sa La Union.

Ang mga assets na konektado kina Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS Rep. Edvic Yap ay na-freeze rin dahil sa ulat na dati nilang pagmamay-ari ang Silverwolves.

Samantala, sinabi ni Dizon na gumagawa ang DPWH ng bagong manual para sa mountain road engineering upang matugunan ang matinding panahon at mas maayos na pamahalaan ang mataas na gastusin sa pagtatayo at pag-maintain ng mga kalsada sa kabundukan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here