Home NATIONWIDE Dahil sa nakaambang oil crisis, Isko naglabas ng 50% gas cut order

Dahil sa nakaambang oil crisis, Isko naglabas ng 50% gas cut order

220
0

MANILA, Philippines – BUNSOD ng bantang krisis sa langis na dulot ng lumalalang tensyon sa Middle East, naglabas ng kautusan si Manila Mayor Franxisco “Isko Moreno” Domagoso na bawasan ng kalahati ang konsumo ng gasolina ng pamahalaang lungsod.

Batay sa inilabas na Executive Order No. 7, Series of 2026, sinabi ng alkalde na ang nagaganap na armadong sigalot sa rehiyon at ang Operation Epic Fury, hinggil sa pinagsanib na pag-atake ng US at Israel laban sa Iran, ay posibleng magdulot ng malaking pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo.

Ipinaliwanag ng alkalde na nagdeklara umano ang Iran ng blockade sa Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan kung saan dumaraan ang mahigit 20% ng suplay ng langis sa buong mundo.

Dahil dito, sinabi ni Domagoso na kailangang kumilos agad ang pamahalaang lungsod upang maprotektahan ang pondo ng bayan at matiyak na tuloy-tuloy ang mga serbisyong pampubliko kahit magkaroon ng krisis sa suplay ng gasolina.

Sa ilalim ng kautusan, inaatasan ang lahat ng tanggapan, bureau at departamento ng city hall na magbawas ng hindi bababa sa 50 porsyento ng paggamit ng gasolina sa mga sasakyan, generator, heavy equipment at iba pang gamit ng lungsod.

Pinapayuhan din ang mga opisina na pagsamahin ang mga biyahe, ayusin ang ruta ng mga sasakyan at bawasan ang hindi kailangang pagbiyahe upang makatipid sa gasolina.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang lahat ng hindi mahalagang biyahe ng mga opisyal at empleyado ng lungsod, lalo na ang mga lakbay na maaaring ipagpaliban o gawing online na lamang.

Kasama sa sinuspinde ang lahat ng lakbay-aral at foreign trips, maliban na lamang kung ito ay kritikal sa operasyon ng pamahalaang lungsod.

Inatasan din ang mga tanggapan na magpatupad ng electricity conservation, kabilang ang pagpatay ng kuryente sa mga opisina pagsapit ng alas-5 ng hapon, habang ang mga pulong sa 896 barangay, 44 health centers at pitong ospital ng lungsod ay gagawin na lamang online.

Samantala, pinayagan din ang staggered shifts, compressed workweek at work-from-home setup kung maaari, habang mahigpit na babawasan ang paggamit ng ilaw at air-conditioning sa mga gusaling pag-aari ng lungsod.

Hindi naman saklaw ng paghihigpit ang mga emergency services tulad ng pulisya, bumbero, ambulansya, disaster response, koleksyon ng basura at traffic management.

Babala ng alkalde, ang mga lalabag sa utos tungkol sa paggamit ng gasolina at biyahe ay maaaring maharap sa administrative sanctions, kabilang ang suspensyon ng fuel privileges at iba pang parusa sa ilalim ng civil service rules.

Agad na ipinatutupad ang kautusan at mananatili itong epektibo hangga’t hindi pa bumabalik sa normal ang sitwasyon ng suplay ng langis sa pandaigdigang merkado. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here