MANILA, Philippines – Nasa 54 Filipino ang nagpahayag ng pagnanais na umuwi na ng Pilipinas kasabay ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East, ayon kay Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola nitong Lunes, Marso 2.
Sa panayam, sinabi ni Mendiola na mayroong 32 turista at 22 overseas Filipino workers ang nagpaabot ng pagnanais na makauwi na agad sa Pilipinas.
“Sa talaan namin may 54 na request for repatriation, 32 ang mga turista na nastranded dito, may 22 na OFW na nagsignify, ‘yung interest nila to repatriate,” ani Mendiola sa panayam ng GMA News.
Ang pinakamalaking pagsubok aniya ay kung paano ibabyahe ang mga ito dahil walang flight papasok at palabas ng Israel sa kasalukuyan.
“Again ang challenge kung paano sila imo-move. Una siguro ‘yung mga turista kasi wala silang bahay dito so nakikipag-coordinate kami sa Ministry of Tourism ng Israel kung paano mamo-move pati dun sa travel agents nila. ‘Yun nga lang, I have to emphasize, mahirapĀ dahil ‘yung ibang land crossings sarado, walang eroplano.”
Ganito rin ang pagsubok na kinakaharap sa pag-uuwi ng labi ni Mary Ann Velasquez De Vera, ang nasawing Pinay caregiver sa strike ng Iran sa Israel.
“Sa ngayon, I think it is not possible (na mauwi) kasi walang airport na bukas kahit na sa karatig na mga bansa. Alam naman ng asawa niya ang sitwasyon, walang way for us to do that kahit gustong gusto namin. Kahapon pinag-uusapan namin, ng mga team members natin kung paano ang mabilis, kung paano ‘yung pagpapauwi ng bangkay at nung asawa niya, may isa pa s’yang kapatid sa Qatar yata,” sinabi ni Mendiola.
Para naman sa mga OFW na nais lumipad pa-Israel para sa kani-kanilang mga trabaho, sinabi ni Mendiola na maghintay muna hanggang humupa ang sitwasyon.
“Ang suggestion ko manatili muna sa Pilipinas, to ride it out d’yan sa Pilipinas until magbukas ang airspace,” anang opisyal.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, mayroong 2.5 milyong Pinoy sa Middle East, karamihan ay nasa United Arab Emirates, Saudi Arabia, at Qatar.
Mayroon namang 800 Filipino ang nasa Iran. RNT/JGC