WALANG nakatitiyak kung kailan magwawakas ang giyerang Iran versus US at Israel na nagsimula nitong Sabado ng umaga na tiyak na nakasasama pa sa problema nang presyo ng langis at mga produkto mula rito gaya ng gasolina, diesel, kerosene, liquified petroleum gas at iba pa.
Sa ngayon, makaraang mamatay si Iran Supreme Leader Ayatollah Khameini sa bomba ng US at Israel, naging mas mabangis ang ganti ng Iran sa pambobomba ng US-Israel.
May isa na ngang napatay na Pinay caregiver sa Israel, si Mary Anne Velazquez Rivera na taga-Pangasinan.
Sa partikular, talagang nagaganap na ang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa giyera gaya ng pagtaas sa presyong $79 dolyar kada bariles mula nasa $73 lamang.
Tataas pa ito dahil sarado na ang Strait of Hormuz na daluyan palabas ng langis mula sa Iran, Saudi Arabia, Qatar at iba pa at may tatlong oil tanker nang tinamaan ng mga drone o missile ng Iran.
Sa Strait of Hormuz bumibiyahe araw-araw ang nasa 100 oil tanker na may lamang nasa 20 milyong bariles ng langis at katumbas ito ng 20-25% suplay ng mundo ngunit kalakhan nito ang ibinibiyahe sa Asya, kasama ang Pinas.
Ang ibang 150 na oil tanker, nakaangkla lang sa Gulf of Oman at naghihintay ng pagbubukas ng Strait of Hormuz bago bumiyahe habang ang iba dumaraan sa iba at mahahabang ruta.
Balak naman ng Organization of Petroleum Exporting Countries at Russia ang magparami ng produksyon para hindi lulundag ang presyo ngunit higit na problema ang pagbibiyahe ng langis.
Dahil halos 100% tayong importer ng langis, wala tayong magawa kundi magtiis na lang sa pangyayari na ikatataas din ng halos lahat ng presyo ng mga bilihin, pagkain, kuryente at tubig.
Mayroon namang deposito ng langis sa Pinas pero nasaan ang pagkilos ng pamahalaan para makalkal at magamit natin ang mga ito para maging mura naman dito?






