HINDI pa natutuyo ang laway ni Pangulong Ferdinand Marcos sa pag-uulat na wala pang namamatay na Pinoy sa giyera sa Gitnang Silangan kamakalawa, bigla na lang sumulpot ang balita na mayroon na pala.
Si Mary Anne Velazquez Rivera iyon, isang caregiver mula sa Pangasinan nagtrabaho sa Israel.
Inabutan si Rivera at iba pa ng missile ng Iran habang tumatakbo sila na magtago sa isang bomb shelter sa Israel.
Ngayon, nagpapatuloy ang Iran sa pagpapaulan ng mga missile at drone sa Israel bilang ganti sa pambobomba sa kanila ng mga pwersang United States at Israel.
Maraming Pinoy o OFW sa Jordan, Lebanon, Bahrain, Kuwait, United Arab Emirates at Kuwait.
May 30,000 sa Israel; 11,000 sa Lebanon; 40,000 sa Jordan; 100,000-150,000 sa Bahrain; 223,500 sa Kuwait; 700,000 sa United Arab Emirates; 260,000 sa Qatar; at 899,000 sa Saudi Arabia.
May mga Pinoy rin sa Pakistan at United States na may patayan na rin dahil nga sa giyerang Iran laban sa US at Israel.
May mga namatay na sa Pakistan makaraang atakehin ng mga anti-US-Israel ang konsulado ng US doon habang may namatay ring tatlo at sugatang 14 sa Austin, Texas mula sa pamamaril ng isang taga-Senegal at simpatisador umano ng Iran.
Dahil, hati ang mga Iranian na matatagpuan sa iba’t ibang bansa at ang kalahati ay pro-Islamic government na siyang nais na patumbahin ng US-Israel, nanganganib din ang mga Pinoy na matatagpuan doon sa ganti ng mga ito.
Ganyan kalawak ang hamon sa ating pamahalaan sa pagprotekta sa buhay, at ari-arian na rin, ng mga Pinoy sa labas ng bansa.
PAGKILOS NASAAN?
Sa ngayon, may kautusan na si Pangulong Bongbong Marcos sa Departments of Foreign Affairs at Migrant Workers na protektahan ang mga Pinoy.
Naghayag na rin ang Armed Forces of the Philippines na handa itong tumulong sa pagbabakwit kung kinakailangan.
Ipagpalagay na natin na kumikilos ngayon ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan para iligtas ang mga Pinoy sa panganib.
Ngunit hanggang saan ang aabutin ng mga pagkilos na ito?
Mismong ang Britanya na may 76,000 mamamayan sa United Arab Emirates at Australia na may 150,000 mamamayan na nakakalat sa mga bansang apektado ng giyera ay sumusuko na pagpapabakwit.
Ang Pilipinas kaya na salat sa lahat mula sa salapi, kagamitan at iba pa?
O hanggang advise o abiso na lang ang lahat na mag-ingat ang mga Pinoy, kasama ang mga Pinoy seaman?
At tanging ang mga mamamatay at masusugatan lamang ang kayang asikasuhin ng gobyerno?
PADALA = P2,263 TRILYON
Nasa P2.263 trilyong piso ang padala ng lahat ng Pinoy at OFW nitong 2025 at hindi nalalayo ang halaga nito sa nakalipas na tatlong taon.
Ganyan kalaki ng tulong ng mga ito sa ekonomiya ng Pilipinas gamit ang kanilang pagsasakripisyo para hindi na sila umasa nang umasa sa mga ayuda ng gobyerno at sa halip nakatutulong pa ng malaki mismo sa gobyerno.
Isipin na lang ang halaga nito kumpara sa pambansang badyet ng Pilipinas na P6.793 kaya katlo ang galing sa mga bagong bayani.
Kailangan ng mga Pinoy-OFW ang buong tulong at hindi laway-laway lang.






