Makaaapekto ang Northeast Monsoon o amihan sa extreme Northern Luzon, habang ang easterlies naman ang magdadala ng maulap na kalangitan na may mga pulo-pulong pag-ulan sa nalalabing bahagi ng bansa ngayong Martes, ayon sa PAGASA.
Magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated light rains sa Batanes at Babuyan Islands dulot ng amihan, ngunit wala naman itong inaasahang malaking epekto.
Sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa, makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms bunsod ng easterlies. Nagbabala ang PAGASA na maaaring magkaroon ng flash floods o landslides tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorm.
Katamtaman hanggang malakas ang hangin sa extreme Northern Luzon na magmumula sa hilaga hanggang hilagang-silangan, at katamtaman hanggang maalon ang karagatan sa mga baybayin nito.
Sa nalalabing bahagi ng Luzon, magiging mahina hanggang katamtaman ang hangin na magmumula sa silangan hanggang hilagang-silangan at bahagya hanggang katamtaman ang alon sa karagatan.
Sa Visayas at Mindanao, mahina hanggang katamtaman ang hangin mula sa hilagang-silangan hanggang hilaga, na may bahagya hanggang katamtamang pag-alon sa mga baybayin. RNT