NEW YORK — Sumirit ang presyo ng mga produktong petrolyo matapos ang mga airstrike ng Israel at Estados Unidos laban sa Iran at ang ganting aksyon ng Tehran na nagdulot ng pagsasara ng mahahalagang pasilidad ng enerhiya at pagkaantala ng shipping sa Strait of Hormuz.
Umabot sa 13% ang itinaas ng Brent crude sa $82.37 kada bariles, pinakamataas mula Enero 2025, bago nagsara sa $77.74 o dagdag na $4.87 (6.7%).
Ang U.S. West Texas Intermediate ay nagsara sa $71.23, tumaas ng $4.21 (6.3%), matapos pumalo sa higit 12% na pag-akyat sa loob ng araw hanggang $75.33, pinakamataas mula Hunyo.
Lalong tumaas ang presyo sa post-close trading matapos sabihin ng Iran’s Revolutionary Guards na susunugin nila ang anumang barkong magtatangkang dumaan sa Strait of Hormuz.
Niyanig din ang merkado ng natural gas.
Ang U.S. front-month natural gas futures ay tumaas ng 3.5% sa $2.96 kada million British thermal units. Sa Europa, umakyat ng halos 40% ang Dutch TTF benchmark sa 44.51 euros kada megawatt hour, habang tumalon ng halos 39% ang presyo ng Asian LNG sa $15.068 kada mmBtu, ayon sa datos ng Platts.
Isinara ng Saudi Arabia ang pinakamalaki nitong oil refinery matapos ang drone strike, habang itinigil ng Qatar ang produksyon ng liquefied natural gas at nakatakdang magdeklara ng force majeure ang QatarEnergy sa LNG shipments.
Nasa 150 barko ang na-stranded malapit sa Strait of Hormuz matapos mapatay ang isang seafarer at masira ang hindi bababa sa tatlong tanker.
Sa karaniwang araw, tinatayang isang-kalimang bahagi ng pandaigdigang demand sa langis at humigit-kumulang 20% ng liquefied natural gas ang dumaraan sa Strait of Hormuz. Nagbabala ang JPMorgan na kung tatagal ng tatlo hanggang apat na linggo ang pagkaantala sa rutang ito, maaaring lumampas sa $100 ang presyo ng Brent.
“Key questions are how much supply will be lost, for how long, and how do major powers react?” ani Daniel Yergin, vice chairman ng S&P Global.
Sa kabila ng pananaw ng International Energy Agency na sapat ang suplay ngayong taon dahil sa dagdag na produksyon mula sa Estados Unidos, Guyana at OPEC+, umakyat na ng 19% ang Brent ngayong 2026 habang tumaas ng halos 17% ang WTI. Nagkasundo ang OPEC+ na dagdagan ang produksyon ng 206,000 bariles kada araw simula Abril.
Sa Estados Unidos, lumampas sa $3 kada galon ang average retail gasoline prices sa unang pagkakataon mula Nobyembre. Umabot din sa dalawang taong mataas na $2.90 ang U.S. ultra-low-sulfur diesel futures, tumaas ng halos 9%, habang umakyat ng mga 4% ang gasoline futures.
“While we do not know where these disruptions will end or how the conflict will ultimately resolve, the near-term result is likely to be heightened volatility in global energy markets and a potential rerouting of global oil and gas cargoes,” ani Global X analyst na si Kenny Zhu. Dave Baluyot