MANILA, Philippines – Isang overseas Filipino worker (OFW) ang nagtamo ng minor injuries matapos ang pagsabog sa isang paliparan sa Kuwait sa gitna ng umiiral na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes.
“Meron isang OFW nagtatrabaho sa Kuwaiti airport, very minor injuries. Neck wounds ang natamo. At nakalabas na rin sa hospital,” pahayag ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac sa panayam ng isang ulat.
Nakauwi na umano mula sa ospital ang naturang OFW.
Nauna nang kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkamatay ng isang Filipinang caregiver sa Israel matapos tamaan ng airstrike.
Ayon kay Cacdac, nasa 100 Pilipino sa Dubai at Israel ang nagpahayag ng hangaring makabalik sa Pilipinas. Nilinaw niya na wala pang ipinapatupad na mandatory repatriation, ngunit patuloy na pinoproseso ng DMW ang mga indibidwal na kahilingan habang mino-monitor ang sitwasyon.
Hindi pa aniya napapanahon ang mass repatriation dahil sa mga pagsasara ng airspace at pagkaantala ng mga biyahe.
Nagbibigay rin ng tulong ang DMW sa mga Pilipinong apektado ng kanselasyon ng mga flight sa Pilipinas at sa mga transit hub gaya ng Hong Kong.
Para naman sa mga manggagawang nasa Pilipinas na nakatakdang bumalik sa Middle East, sinabi ni Cacdac na nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang kanilang kaligtasan at pinayuhan silang manatili muna kasama ang kanilang pamilya habang patuloy ang pagtatasa sa sitwasyon. Dave Baluyot