NALULUNGKOT tayo na “sabit” na naman sa kontrobersiya si ex-Armed Forces Chief of Staff, retired general, Gregorio Pio Catapang.
Gusto kasi nating maniwala na bilang dating sundalo at graduate pa ng Philippine Military Academy ‘Dimalupig Class of 1981’ hindi niya papayagan na “mamantsahan” ang kanyang pagkatao at pangalan katulad ng ilan niyang mga “mistah” na ating mga kaibigan.
Pero ngayon, isa si Catapang sa pinangalanan ng ‘Brave 18’—ang mga dating sundalo at Marines na nag-bodyguard kay ex-Congressman Zaldy Co– na umano’y “nagde-deliver ng male-maletang pera para sa mas mataas pa sa kanyang mga opisyal ng gobyerno.
Teka, si Catapang din ang AFP Chief of Staff noong 2015, nang mamasaker ang ‘SAF 44’ sa Mamasapano, Maguindanao. Alam nating lahat na walang ipinadalang suporta ang AFP ni Catapang at PNoy, kaya “naubos” ang mga pulis sa kamay ng mga terorista.
Ngayon naman, hindi pa man natatapos ang “pasabog” ng ‘Brave 18,’ si General Catapang din, bilang Bureau of Corrections director, ang sinasabing nasa likod ng umano’y ‘Condo-Tel’ (condominium cum hotel) sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro!
Ang mga parokyano? Ang mga nahuling ‘HVTs’ (high value targets) na karamihan ay mga Chinese na nahuli bilang notorious na mga ‘Drug Lords!’
Ayon sa mga miron, nagsimulang “maghari” ang mga dayuhang bilanggo simula ng maupong BuCor director si Catapang noong 2023, ‘courtesy,’ wika nga, ng kanyang ‘fraternity brother’ na si dating Justice Secretary Boying Remulla.
Kaya ba “tumapang” na si Catapang” na masabit sa mga kontrobersiya dahil “brod” niya ang mag-iimbestiga sa kanya bilang Ombudsman natin ngayon?
Tanong naman ng mga miron, “Magkano” ang bayad kada unit ng mala-VIP sa loob ng compound ng BuCor sa Sablayan?
May isa umanong building sa SPPF nay may sampung VIP para lang sa mga nakakulong na Chinese drug lords kung saan nagagawa nila umano ang gusto nila—alak, babae, sugal.
Kung pwede ang mga ito, ang droga kaya?
Oops! May ‘ghost project’ din umano sa BuCor ngayon kung saan ‘fully funded’ na, pero “poste” pa lang din ang nakatayo?!
Abangan!






