Home NATIONWIDE PH schools sa Middle East, ligtas – CFO

PH schools sa Middle East, ligtas – CFO

123
0

MANILA, Philippines – Ligtas at patuloy na nag-ooperate ang lahat ng Philippine Schools Overseas (PSOs) sa Middle East sa kabila ng tumitinding tensyon kaugnay ng sigalot sa Iran, ayon sa Commission on Filipinos Overseas (CFO) nitong Lunes.

Ayon kay CFO Secretary Dante “Klink” Ang II, may ilang paaralan na pansamantalang lumipat sa online classes alinsunod sa direktiba ng kanilang host countries.

“We’re closely monitoring the situation of our PSOs, and we have advised them to heed the advisories of the Department of Foreign Affairs (DFA) and the Department of Migrant Workers (DMW), especially those concerning safety and security,” ani Ang.

Iniulat ng CFO na may 35 PSOs sa 11 bansa sa buong mundo, kabilang ang Bahrain, East Timor, Cambodia, Greece, Italy, Kuwait, Libya, Oman, Qatar, Kingdom of Saudi Arabia, at United Arab Emirates. Sa bilang na ito, 27 ang nasa Arabian Gulf region.

Tinatayang 25,000 estudyante mula pre-elementary hanggang high school ang pinaglilingkuran ng mga paaralan, kasama ang humigit-kumulang 1,000 guro, administrador, at kawani.

Sa isinagawang check-calls nitong Lunes ng umaga, kinumpirma ng mga administrador ng paaralan na hindi naapektuhan ng umiiral na tensyon ang mga estudyante, guro, at pasilidad.

Inilarawan ni Ang ang mga PSO bilang “extensions of the motherland,” at binigyang-diin ang papel nito sa pagpapanatili ng tuloy-tuloy na edukasyon at katatagan ng mga pamilyang Pilipino sa ibang bansa.

Sinabi rin niyang sumusunod ang mga PSO sa mga regulasyon ng Pilipinas, sa basic education curriculum ng Department of Education, at sa mga patakaran ng kanilang host countries.

Nanindigan ang CFO na mananatili ito sa “constant monitoring mode,” sa pakikipag-ugnayan sa DFA at DMW, upang makapagbigay ng agarang update sa mga pamilyang may kamag-anak na nag-aaral o nagtatrabaho sa mga naturang paaralan.

“Monitoring these institutions aligns with the CFO’s core mission and mandate to strengthen enduring ties between overseas Filipinos and the motherland while ensuring their welfare globally,” ayon sa ahensya. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here