MANILA, Philippines – Muling binigyang-diin ng Korte Suprema na maaaring managot ang mga corporate director, opisyal, at manning agency kaugnay ng pagbabayad ng disability benefits sa mga seafarer.
Sa 10-pahinang resolusyon na isinulat ni Associate Justice Jhosep Lopez at isinapubliko lamang ngayong Marso 2026, pinagbigyan ng SC Special First Division ang mosyon para sa partial reconsideration ng naunang desisyon nito, kung saan tanging ang manning agency at ang foreign principal nito ang itinuring na mananagot sa disability benefits ng seafarer.
Batay sa Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995, na inamyendahan ng Republic Act 10022, idineklara ng SC na ang fleet director ng manning agency ay solidarily liable rin, ibig sabihin, maaari siyang obligahing bayaran ang buong halaga.
Ayon sa SC, bagamat karaniwang hindi personal na mananagot ang mga corporate officer para sa mga kontratang pinasok ng korporasyon, maaaring magkaroon ng personal na pananagutan kung ang batas mismo ang nagtakda nito.
Ayon pa sa SC, kinuha ng manning agency ang seafarer bilang electrical fitter para sa foreign principal nito.
Nang maaksidente ang seafarer habang nagtatrabaho, pinauwi siya sa Maynila, kung saan ang mga doktor na itinalaga ng kumpanya ay nag-diagnose sa kanya ng rotator tendinitis.
Matapos ang physical therapy at maabot ang maximum medical treatment, idineklara siyang fit to work.
Gayunpaman, patuloy na nakaramdam ng sakit ang seafarer at humingi ng second opinyon, kung saan natuklasan ng doktor na hindi siya angkop para sa sea duty.
Dahil dito, humiling ang seafarer ng opinyon mula sa ikatlong doktor, ngunit tumanggi ang manning agency at humingi lamang ng kopya ng ulat ng pangalawang doktor.
Dahil dito, nagsampa ng reklamo ang seafarer sa Labor Arbiter (LA) para sa disability benefits at reimbursement ng kanyang medical expenses.
Pinaboran siya ng LA, ngunit binaligtad ng Court of Appeals ang desisyon. Sa resolusyon nito, pinagtibay ng SC ang desisyon ng LA.
Ayon sa SC, mananagot ang manning agency at ang foreign principal dahil hindi kumpleto ang ulat ng doktor. Jocelyn Tabangcura-Domenden