MANILA, Philippines – Nanawagan ang ibat-ibang grupo sa Department of Finance (DOF) sa isinagawang kilos protesta sa Maynila para sa tuluyang pagbasura ng Value-Added Tax (VAT) sa mga basic goods.
Kinalampag din ng mga militanteng grupo sa pangunguna ng Gabriela na tanggalin na rin ang ipinapatupad na excise tax sa mga produktong petrolyo.
Kasunod ito ng inaasahang pagtaas ng presyo ng langis sa merkado dahil sa nangyayaring kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sa pahayag ni Clarice Palce ang Secretary General ng Gabriela, batid nila na sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, kaakibat nito ay ang pagtaas din ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Aniya, magiging dagdag pahirap na naman ito sa pamilyang pilipino kung saan nararapat na kumilos na ang pamahalaan para masolusyunan ang problemang ito.
Panawagan pa ng kanilang grupo, hindi na dapat hintayin pang umabot sa $80 kada barrel ang presyo ng langis bago kumilos ang gubyerno.
Iginiit pa ng grupong Gabriela, ngayon pa lamang ay dapat ng tanggalin ang excise tax at VAT sa langis upang hindi na maging dagdag na pasanin pa sa bawat pamilyang pilipino ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Paliwanag pa ng Gabriela, ang trilyong buwis na hinuthot sa taumbayan ay hindi namana napupunta sa serbisyo dahil binubulsa at kinukulimbat ng mga kurakot sa gobyerno. Jocelyn Tabangcura-Domenden