MANILA, Philippines – Sinabi ng prosekusyon na plano nilang ipresenta si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo bilang witness laban sa mga opisyal ng DPWH-Mimaropa na lilitisin sa Sandiganbayan kaugnay sa umano’y maanomalyang road dike project sa Oriental Mindoro.
Si Bernardo ay state witness sa mga kaso ng flood control project scam at sakop na ng Witness Protection Program.
Sa ikalawang araw ng trial ng 6th Division para sa malversation case ng siyam na opisyal, sinabi ng prosekusyon na si Bernardo ay ipipresenta sa ikatlong linggo ng Marso kasama si DPWH-Mimaropa OIC regional director Editha Babaran.
Pinalitan ni Babaran si dating regional chief Gerald Pacanan, isa sa mga akusado sa kaso.
Sa kabilang banda, ang depensa ay nagsabi na tututulan nila ang plano ng prosekusyon na bawiin si Babaran bilang witness.
Ayon sa isa sa mga counsel, si Babaran ay naipresenta na bilang witness sa bail hearings.
Nakatakdang maghain ang mga ito ng kanilang oposisyon sa korte ngayong araw.
Sinabi rin ng mga counsel na bagamat mayroon na sila ng listahan ng mga witness na ipipresenta ng prosekusyon, walang nakalagay na petsa kung kailan haharap ang mga ito.
Tumugon naman ang prosekusyon at sinabing walang petsang nakalagay sa dokumento dahil ang mga witness ay ipipresenta sa availability ng mga ito.
Samantala, inanunsyo ng Sandiganbayan 6th Division justices na walang nakatakdang paglilitis sa susunod na linggo dahil sa conflict sa schedule mula sa mga witness ng prosekusyon.
Ang trial ay magpapatuloy sa Marso 17 at 19. RNT/JGC