CHINA — Itinaas ng China ng pitong porsyento ang defense budget nito para sa 2026 bilang bahagi ng pagpapalakas ng kakayahang militar laban sa Estados Unidos at sa pagpapatibay ng mga claim nito sa Taiwan at South China Sea (SCS).
Ayon sa ulat na inilabas sa pagbubukas ng “Two Sessions” political conclave, aabot sa 1.9096 trillion yuan o tinatayang $276.8 bilyon ang ilalaan ng Beijing para sa depensa.
Bagama’t nananatiling mas mababa kumpara sa halos $1 trilyong military spending ng US noong 2024, patuloy umanong pinupunan ng China ang agwat na ito.
Sinabi ng mga analyst na gagamitin ang dagdag na pondo para sa umento sa sahod ng mga sundalo, military training, maniobra sa paligid ng Taiwan, pagpapalakas ng cyberwarfare capabilities at pagbili ng modernong kagamitan.
Ayon kay military commentator Song Zhongping, mahalaga ang matatag na puwersang militar upang hindi maimpluwensyahan o madiktahan ng ibang bansa ang foreign policy ng China.
Iginiit din niya na kailangang palakasin ng People’s Liberation Army ang kakayahan nito upang ganap na maibalik ang hurisdiksyon sa Spratly Islands, na inaangkin din ng Pilipinas at iba pang bansa.
Batay sa datos ng Stockholm International Peace Research Institute (SIPRI), ang defense spending ng China ay katumbas ng 1.7% ng GDP nito noong 2024, mas mababa sa 3.4% ng US at 7.1% ng Russia.
Gayunman, binigyang-diin ng mga eksperto na ang mabilis na pag-unlad ng kakayahang militar ng China ay nagdudulot ng pangamba sa mga karatig-bansa at nagpapalakas sa alyansa ng ilan sa Washington.
Sa Taiwan, nais ni leader Lai Ching-te na dagdagan din ang military spending bilang tugon sa banta ng Beijing, habang pinalawak naman ng Pilipinas ang access ng US sa mga base militar nito.
Ayon sa mga analyst, nananatiling mas makapangyarihan ang US sa aspeto ng global logistics, nuclear arsenal at karanasan sa labanan, ngunit may regional advantage ang China sa Western Pacific dahil sa lokasyon at missile capabilities nito.
Babala ng mga eksperto, anumang direktang sigalot sa pagitan ng dalawang kapangyarihan ay maaaring magdulot ng malawakang pinsala sa ekonomiya at seguridad ng buong mundo. RNT/JGC