Home NATIONWIDE Halos P30M shabu, ecstacy nasabat sa NAIA

Halos P30M shabu, ecstacy nasabat sa NAIA

169
0

MANILA, Philippines – NASA higit P29.7 milyon halaga ng hinihinalang shabu at ecstasy ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs–NAIA (BOC-NAIA) matapos maharang ang tatlong abandonadong parcel sa isinagawang interdiction operation noong Marso 2, 2026.

Sa ulatng BOC, isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group/Airport Intelligence Unit 2, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police Aviation Security Group at Drug Enforcement Group, Airport Police Department, National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration (BI) at BOC-Customs Anti-Illegal Drugs Task Force.

Sa inspeksyon, nadiskubre ang humigit-kumulang 3,596 gramo ng puting kristal na hinihinalang shabu na may tinatayang halagang ₱24,452,800.

Bukod dito, nakumpiska rin ang 4,046 gramo ng puting pulbos na hinihinalang MDMA o ecstasy na nagkakahalaga naman ng ₱5,259,800.

Dalawa sa mga parcel na idineklarla na naglalaman ng “Garden Sculpture” ay nagmula sa Berlin, Germany at nakapangalan sa isang tatanggap sa Pasig City. Nang buksan, tumambad ang gold figurine na may nakatagong heat-sealed plastic bags na naglalaman ng hinihinalang ecstasy na may timbang na 2,032 gramo at 2,014 gramo.

Samantala, ang ikatlong parcel na idineklara bilang “Vehicle Air Filters” ay galing sa Lusaka, Zambia at nakapangalan sa tatanggap sa Dasmariñas, Cavite. Sa pagsusuri, natuklasan ang apat na cylindrical air filter na binalot sa carbon paper at masking tape na naglalaman ng 3,596 gramo ng hinihinalang shabu.

Isusumite ang mga nakumpiskang droga sa PDEA Laboratory Service para sa masusing pagsusuri habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.

Pinuri naman ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang mga tauhan ng BOC-NAIA sa kanilang pagiging alerto at mabilis na aksyon na nagresulta sa pagkakaharang sa kontrabando.

Ayon sa opisyal, patunay ang matagumpay na operasyon sa matibay na kampanya ng ahensya laban sa drug smuggling at sa mahigpit na pagbabantay sa mga pintuan ng bansa.

Sa ilalim naman ng pamumuno ni District Collector Atty. Yasmin O. Mapa, tiniyak ng BOC-NAIA na patuloy nilang hahadlangan ang pagpasok ng iligal na droga at iba pang kontrabando upang maprotektahan ang mamamayang Pilipino laban sa panganib ng illegal narcotics. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here