MANILA, Philippines — Dinala sa ospital nitong Huwebes ang contractor na si Pacifico Curlee Discaya II, isa sa mga personalidad na iniuugnay sa kontrobersiya ng umano’y flood control scam, ngunit agad din itong ibinalik sa Senado.
Ayon sa kanyang abogado na si Cornelio Samaniego III, nakararanas umano ng iba’t ibang karamdaman si Discaya matapos ang halos pitong buwan na pagkakakulong.
“Madami nararamdaman, sir. Almost 7 months na sya nakakulong.”
Kinumpirma naman ni Vicente Sotto III na sumailalim si Discaya sa MRI dahil sa frozen shoulder at sandali lamang ang kanyang pananatili sa ospital bago ibinalik sa Senado.
Nasa kustodiya ng Senado si Discaya mula pa noong Setyembre 2025 matapos siyang ma-cite in contempt.
Siya at ang kanyang asawang si Sarah Discaya ay iniuugnay sa mga kumpanyang konstruksyon na sangkot sa ilang kontrata ng pamahalaan, kabilang ang mga flood control project na iniimbestigahan ngayon dahil sa umano’y mga iregularidad.
Nasa Lapu-Lapu City Jail sa Cebu naman nakakulong si Sarah Discaya. RNT