Home NATIONWIDE OFW nasawi sa Kuwait; pamilya humihingi ng tulong para maiuwi labi

OFW nasawi sa Kuwait; pamilya humihingi ng tulong para maiuwi labi

163
0

DAGUPAN CITY — Pumanaw sa Kuwait ang isang overseas Filipino worker (OFW) mula Dagupan City nitong linggo, dahilan upang humingi ng tulong ang kanyang pamilya para maiuwi sa Pilipinas ang kanyang labi.

Kinilala ang OFW na si Dorothy Viloria, 41, na taga-Barangay Pantal sa Dagupan City. Nagtatrabaho siya sa Kuwait bilang OFW mula pa noong 2014 at pabalik-balik sa bansa para sa trabaho. Ang kanyang pinakahuling pag-alis ay noong Oktubre ng nakaraang taon.

Ayon sa kanyang anak na si Lawrence Brudo, huli silang nagkausap ng kanyang ina noong hapon ng Marso 1. Kinabukasan ay natanggap na nila ang balita ng kanyang pagkamatay.

“‘Nakita raw po nila sa CR nakahandusay na po. Wala na siyang malay. Dinala sa ospital pero hindi na umabot ng buhay,’” ani Brudo.

Ayon naman sa mga katrabaho ni Viloria, sinabi umano ng kanyang amo na lumabas sa pagsusuri ng mga doktor na inatake siya sa puso.

“‘Ang sabi ng amo niya sa kanila, heart attack ang findings ng doktor. Nasabi sa amin ni Mama, may problema nga po talaga sa puso niya,’” dagdag pa ni Brudo.

Si Brudo at ang kanyang tatlong kapatid, na naulila na rin sa kanilang ama, ay humihiling ng tulong upang maiuwi sa Pilipinas ang labi ng kanilang ina.

“‘Sobrang hirap po kasi. Sobrang bata pa ni Mama. Sana matulungan po kami sa pagpapauwi sa kaniya para makita pa namin yung katawan at mayakap pa namin siya,’” aniya.

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Migrant Workers sa pamilya upang ihanda ang mga dokumentong kailangan para sa repatriation ng labi ni Viloria.

Tumutulong din ang Overseas Workers Welfare Administration Region 1 at ang OFW Desk ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City upang magbigay ng karagdagang suporta sa naulilang pamilya. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here