Home HOME BANNER STORY Pinoy na espiya ng Tsina nagpapasa ng impormasyon ukol sa WPS resupply...

Pinoy na espiya ng Tsina nagpapasa ng impormasyon ukol sa WPS resupply missions

173
0

MANILA, Philippines — Nakompromiso at naipasa umano sa Chinese intelligence agents ang ilang impormasyon kaugnay ng resupply missions ng Pilipinas sa West Philippine Sea, ayon sa tagapagsalita ng National Security Council nitong Huwebes.

Ayon kay Cornelio Valencia, “alarming” ang naturang paglabag ngunit limitado lamang ang saklaw nito at isinara na ang mga ginamit na channel sa pagpapadala ng impormasyon.

“Rotation and resupply data fall under operational security because disclosing it can endanger personnel, and that has been compromised,” aniya.

Sinabi ni Valencia na tatlong Pilipino ang naaresto kaugnay ng umano’y paniniktik para sa China at may posibilidad pang may iba pang sangkot. Hindi pa niya kinumpirma kung magsasampa ng kaso laban sa mga ito.

Nauna nang inanunsyo ng pamahalaan ang pagkakaaresto sa ilang Pilipino na pinaghihinalaang sangkot sa espionage na may kinalaman sa isang “serious national security matter.”

Dalawa sa mga suspek, na nakipag-usap sa Reuters sa kondisyong hindi ilalantad ang kanilang pagkakakilanlan, ang nagkuwento kung paano nila ipinasa ang sensitibong impormasyon kaugnay ng deployments, resupply missions at personnel rotations sa West Philippine Sea.

Ayon sa isa sa kanila, nakuha niya ang impormasyon sa pamamagitan ng koneksyon sa isang tauhan ng Philippine Coast Guard at ipinasa ito sa kanyang handler gamit ang isang teleponong ibinigay sa kanya. Ayon sa ulat, may Tetris game ang telepono na kapag nilagyan ng code ay nagbubukas ng nakatagong messaging platform na ginagamit sa pakikipag-ugnayan.

“What I can say is that they’re cooperating with our security services,” ani Valencia. “They have confessed and admitted to it. They disclosed the data that they were able to get and share, the assessments they made and how they were recruited.”

Itinanggi naman ng Ministry of Foreign Affairs ng China ang akusasyon at sinabing, “We object to it, the case is not clear and there is no conclusive evidence.”

Samantala, sinabi ng isa pang suspek na una siyang nilapitan ng isang Filipina acquaintance habang junior staffer pa siya sa Department of National Defense at inalok na magsulat ng opinion articles kapalit ng bayad. Kalaunan ay lumawak ito sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa South China Sea at sa pakikipag-ugnayan ng defense department sa mga kaalyadong bansa, kabilang ang United States.

Aniya, hindi niya agad napagtanto na nagtatrabaho na siya para sa Chinese agents at nagkaroon lamang ng pagdududa kalaunan, ngunit ipinagpatuloy niya ito dahil kailangan niya ng pera. Aniya, naganap ang mga aktibidad mula 2023 hanggang 2025.

Ayon sa mga analyst, kahalintulad ito ng mga pamamaraan sa foreign intelligence operations kung saan nagsisimula sa mga alok na consultancy o pagsusulat bago humantong sa paghingi ng sensitibong impormasyon.

Samantala, itinutulak ng mga mambabatas mula sa administrasyon at oposisyon ang pagrepaso sa mga lumang batas laban sa espionage upang masaklaw ang mga banta sa panahon ng kapayapaan at cyber-related threats. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here