MANILA, Philippines — Itinakda ng Sandiganbayan sa Abril 7, 2026 ang pagsisimula ng paglilitis sa kasong graft laban kay dating senador Ramon Bong Revilla Jr. at anim pang akusado kaugnay ng umano’y ghost P92.8-milyong flood control project sa Bulacan.
Naitakda ang petsa matapos tapusin ng Sandiganbayan Fourth Division ang pre-trial ng kaso, kung saan nagsumite ang prosekusyon at depensa ng kani-kanilang listahan ng mga saksi at dokumentaryong ebidensya.
Kabilang sa mga kapwa akusado ni Revilla ang mga dating opisyal at empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan: assistant district engineer Brice Hernandez; engineers Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, at Emelita Juat; finance section chief Juanito Mendoza; at cashier Christina Pineda ng DPWH Bulacan First District Engineering Office.
Nakapagpiyansa si Revilla ng P90,000 para sa kasong graft ngunit nananatili siyang nakakulong sa New Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City dahil sa hiwalay na kasong malversation na walang piyansa kaugnay din ng umano’y ghost project sa Pandi, Bulacan.
Sa ilalim ng batas, ang kasong walang piyansa ay nangangailangan ng petisyon para sa bail at pag-apruba ng korte bago makalaya pansamantala ang akusado habang dinidinig ang kaso.
Hindi pa naghahain si Revilla ng petisyon para sa bail sa Sandiganbayan Third Division na humahawak sa kasong malversation dahil mayroon pa siyang nakabinbing mosyon para sa reinvestigation sa Office of the Ombudsman.
Paulit-ulit namang itinanggi ni Revilla ang anumang pagkakasangkot sa umano’y ghost flood control project.
Ayon sa mga prosecutor ng Ombudsman, pinadali umano nina Revilla at ng kanyang mga kapwa akusado ang pagpapalabas ng buong pondo ng proyekto, nagpalsipika ng accomplishment reports, naglabas ng mga pekeng billing documents, nag-endorso ng disbursement, at idineklara ang proyekto na tapos na “despite the absence of any actual construction.” Santi Celario