MANILA, Philippines — Nilagdaan ni Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang batas na nagpapalawig ng mandato ng Second Congressional Commission on Education ng dalawang taon upang ipagpatuloy ang pangangasiwa sa mga reporma sa sektor ng edukasyon.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12315 na nag-amyenda sa RA 11899, pinalawig ang mandato ng komisyon lampas sa orihinal nitong tatlong taong termino na nagtapos noong Disyembre 2025.
“Upon completion of the initial three-year mandate, the Commission shall continue to operate for an additional period of two years to conduct further research and consultations as may be necessary, and to exercise oversight over the implementation of the National Education and Workforce Development Plans,” ayon sa batas.
Inaatasan ang EDCOM 2 na makipagtulungan sa mga pangunahing ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Education, Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Social Welfare and Development, at Department of Health, gayundin sa Kongreso at iba pang katuwang upang mapabuti ang sistema ng edukasyon sa bansa.
Layunin ng komisyon na gabayan ang mga reporma sa polisiya upang maiayon ang kurikulum, pamamaraan ng pagtuturo, at mga sistema ng pagsusuri sa pandaigdigang pamantayan at masusukat na learning outcomes.
Inaatasan din itong bumuo ng pangmatagalang solusyon upang matugunan ang kakulangan sa imprastraktura ng mga paaralan, learning resources, pagsasanay ng mga guro, at professional development ng mga school leaders upang matiyak ang ligtas at inklusibong kapaligiran sa pag-aaral.
Bukod dito, tungkulin din ng EDCOM 2 na i-update ang national education agenda at roadmap sa pamamagitan ng pagsasama ng mga pag-unlad sa artificial intelligence, digital at green technologies, at iba pang makabagong inobasyon upang mapalakas ang kahandaan ng bansa sa workforce at kompetisyon sa pandaigdigang antas.
Magmumula muna sa kasalukuyang pondo ng Senado at House of Representatives ang gagastusin sa pagpapatupad ng batas, at isasama sa taunang pambansang badyet ang mga susunod na pangangailangan sa pondo.
Nilagdaan ang batas noong Marso 4 at magkakabisa ito makalipas ang 15 araw mula sa publikasyon sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon. RNT