MANILA, Philippines – Naglatag ng mga pamantayan ang Department of Migrant Workers (DMW) para sa posibleng paglikas ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Gitnang Silangan habang patuloy na tumitindi ang tensyon sa rehiyon.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers nitong Biyernes, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na uunahin sa evacuation ang mga Pilipinong nasa malapit sa mga lugar na tinamaan ng missile at drone attacks.
“We have been carefully monitoring the areas attacked by Iranian drones and missiles in every country… and the surrounding areas where the Filipinos are will be the first to be taken out,” ani Cacdac.
Dagdag niya, isasaalang-alang din sa repatriation ang mga kahilingan ng OFWs, kondisyon sa kalusugan, at humanitarian considerations, at maaaring iproseso sa first-come, first-served basis ang mga kaso na nasa parehong antas ng panganib.
Ayon kay Erwin Tulfo, chairman ng komite, mahalagang magkaroon ng malinaw na patakaran sa repatriation habang dumarami ang mga Pilipinong humihingi ng tulong upang makaalis sa mga apektadong lugar.
“Importanteng mapag-usapan natin kung papaano natin sila mapapa-uwi at papaano natin sila sasaluhin dito sa Pilipinas,” ani Tulfo.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang maghanda ang pamahalaan sa posibleng pag-uwi ng malaking bilang ng OFWs at tiyakin ang kanilang reintegration.
“Once they come home, what is in store for them? Dito pumapasok ang kahalagahan ng reintegration,” dagdag pa niya.
Tiniyak naman ni Cacdac na maaaring humingi ng tulong ang mga OFW na nakakaramdam ng panganib sa mga embahada ng Pilipinas at Migrant Workers Offices, na maaaring makipag-ugnayan sa mga employer upang mailipat ang mga manggagawa sa embassy shelters kung kinakailangan.
Hanggang Marso 4, mahigit 1,400 Pilipino sa Gitnang Silangan ang humiling ng repatriation, habang kabuuang 2,012 na ang natulungan ng DMW sa gitna ng patuloy na tensyon sa rehiyon. RNT