MANILA, Philippines – Nakauwi na sa Pilipinas ang nasa 34 overseas Filipino workers (OFWs) na na-stranded sa Dubai at agad na binigyan ng tulong ng pamahalaan pagdating sa bansa.
Dumating ang mga OFW sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ngayogn Biyernes matapos ma-stranded sa Dubai dahil sa tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa Department of Migrant Workers, pinangunahan ni Secretary Hans Leo Cacdac ang whole-of-government team na sumalubong sa mga OFW. Kabilang sa mga ahensiyang tumulong ang Department of Social Welfare and Development, Overseas Workers Welfare Administration, Department of Health, Bureau of Quarantine, at medical team mula sa New NAIA Infrastructure Corp.
“Thank you Emirates and the Government of the United Arab Emirates,” ayon sa Facebook post ni Cacdac.
Sinabi ng DMW na sakay ang mga OFW ng Emirates flight EK336. Ang ilan sa kanila ay may airline tickets na pauwi ng Pilipinas para sa bakasyon habang ang iba naman ay nasa connecting flights sa Dubai.
Alinsunod sa direktiba ni Ferdinand Bongbong Marcos Jr., agad silang binigyan ng financial assistance, pansamantalang matutuluyan, at transportasyon upang makabalik nang ligtas sa kanilang mga probinsya. RNT