BATANGAS, Philippines – Nakapagtala ang Taal Volcano ng 13 seismic events sa nakalipas na 24 oras, nagpapakita ng bahagyang pagtaas ng aktibidad, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology nitong Sabado, Marso 7.
Sa kanilang bulletin ngayong umaga, iniulat ng Phivolcs na mayroong pitong volcanic earthquakes at anim na volcanic tremors na tumagal ng isa hanggang tatlong minuto. Ito ay bahagyang pagtaas kumpara sa mga nakaraang araw, kung saan nakapagtala lamang ng lima hanggang apat na volcanic earthquakes mula Marso 2 hanggang 6 at walang naitalang seismic events noong Marso 1.
Para sa buong buwan ng Pebrero, nakapagtala lamang ng 22 volcanic earthquakes at 20 volcanic tremors, isang pagbaba mula Enero kung kailan naitala ang 204 volcanic earthquakes at 86 volcanic tremors, kabilang ang minor phreatomagmatic eruption noong Enero 9.
Ayon sa Phivolcs, ang volcanic earthquakes ay dulot ng magma-related processes sa ilalim ng aktibong bulkan, samantalang ang volcanic tremors ay tuloy-tuloy na low-frequency seismic signals na karaniwang tumatagal ng higit isang minuto.
Sa pinakahuling pagmamanman, nakapagtala rin ang ahensya ng 576 metric tons ng sulfur dioxide mula sa pangunahing crater, na umabot ng humigit-kumulang 500 metro bago humilera patimog-kanluran, at ito ay inuri bilang “mahina” na emisyon. Walang nakitang pag-usbong ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater Lake, at wala ring “vog” o volcanic smog na naobserbahan.
Nanatiling nasa Alert Level 1 ang Taal Volcano, na nangangahulugang mababang antas ng pagkabahala. Binibigyang-diin ng ahensya na hindi ito nangangahulugang normal na ang kondisyon ng bulkan, at posible pa rin ang eruptive activity. Ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa Taal Volcano Island, pagbabaybay sa Taal Lake, at paglipad ng eroplano malapit sa bulkan.
Noong Pebrero 8, apat na dayuhang turista ang naitala na ilegal na nakapasok sa TVI at nakarating sa crater sa kabila ng umiiral na mga pagbabawal. RNT/MND