MANILA, Philippines – Umapela ang Confederation of Sugar Producers Association Inc. (CONFED) sa Department of Agriculture (DA) ng agarang government intervention para protektahan ang local sugar industry sa matinding epekto ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Sa liham na may petsang Marso 5 para kay Agriculture Secretary at Sugar Board Chair Francisco P. Tiu Laurel Jr., sinabi ni CONFED President Aurelio Gerardo J. Valderrama Jr. na tumataas na ang presyo ng gasolina at fertilizer.
“If not controlled, this will have a disastrous impact on food production and overall agricultural output, with already beleaguered farmers absorbing the hardest hit,” sinabi ni Valderrama.
Dahil dito ay hinimok niya ang DA na gumawa ng decisive action para protektahan ang sektor ng agrikultura.
Kabilang sa mga ipinanukala ay ang expanded fertilizer assistance o subsidiya para sa maliliit na magsasaka at agrarian reform beneficiaries sa pamamagitan ng DA at Sugar Regulatory Administration (SRA).
Nanawagan din siya sa ahensya na isulong ang government-imposed price controls sa petrolyo at fertilizer upang maiwasan ang profiteering at hindi makatarungang pagtataas ng presyo nito.
Dagdag pa, iginiit ng CONFED ang implementasyon ng “purchase-and-park” sugar buying program.
Ani Valderrama, ang unang dalawang hakbang ay makatutulong sa mga magsasaka sa sektor ng agrikultura, habang ang government-financed sugar buying program ay nakikitang tanging pagmumulan ng ginhawa sa mga sugar producer na patuloy na naghihirap sa millgate prices.
Idinagdag pa na handa ang CONFED na lumahok sa isang technical working group na lilikha ng implementing details ng panukalang programa. RNT/JGC