MANILA, Philippines — Muling nanawagan si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima sa agarang pagpasa ng Anti-Espionage Act kasunod ng pagkakadiskubre ng National Security Council (NSC) ng umano’y espionage operations na may kaugnayan sa People’s Republic of China.
Inihain ni De Lima ang House Bill 1844 noong Hulyo 2025 na naglalayong amyendahan ang Revised Penal Code upang magpataw ng mas mabigat na parusa laban sa espionage.
Ayon sa mambabatas, matagal nang dapat naipapasa ang panukala dahil hindi na bago ang presensya ng mga espiya sa bansa.
Nagpahayag din siya ng pangamba na may ilang Pilipino umanong nasasangkot sa mga foreign-directed activities kapalit ng malaking halaga ng pera.
Bagama’t sinabi ng NSC na natukoy at natigil na ang nasabing operasyon, iginiit ni De Lima na kailangang paigtingin ang mga hakbang upang maprotektahan ang pambansang seguridad.
Binanggit din niya ang umano’y impluwensya ng pro-China policies ng nakaraang administrasyon at ang paglaganap ng disinformation at fake news kaugnay ng West Philippine Sea.
Layunin ng panukala na palakasin ang national security policies at counter-espionage measures ng bansa upang mas epektibong matugunan ang mga banta laban sa soberanya.
Nanawagan din si De Lima na bigyan ng sapat na pondo at resources ang mga security agencies upang magsagawa ng malawakang crackdown laban sa mga espiya.
Hinimok niya ang mga Pilipino na magkaisa sa paglaban sa espionage at sa pagprotekta sa national sovereignty, territorial integrity at pambansang interes.
Kasabay nito, hiniling din ng NSC sa Kongreso na gawing prayoridad ang pagpasa ng Anti-Espionage Act at ng Anti-Foreign Malign Influence and Interference Act.
Ayon sa NSC, kapag naisabatas ang mga ito ay mapapalawak ang kapangyarihan ng pamahalaan sa imbestigasyon, mapipigilan ang mga hostile operations at mapoprotektahan ang sensitibong impormasyon at kritikal na imprastraktura ng bansa. RNT/JGC