Home NATIONWIDE Barangay councilor, kasabwat timbog sa illegal na droga sa Oslob

Barangay councilor, kasabwat timbog sa illegal na droga sa Oslob

145
0

MANILA, Philippines — Arestado ang isang barangay councilor at kanyang kasabwat matapos mahuli sa buy-bust operation sa Purok San Jose 2, Barangay Daanlungsod, Oslob, Cebu nitong Marso 6 ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Ernesto Sogaral Gumapon alyas “Erning,” 45, may-asawa at kasalukuyang barangay councilor, na itinuturing na high-value individual sa illegal drug trade.

Kasama rin niyang naaresto ang kasabwat na si Rhielley Bryce Cayon Rendon alyas “Dodong,” 23, residente rin ng naturang lugar.

Ayon kay Police Major Alejandro Batobalonos, hepe ng Oslob Municipal Police Station, matagal nang kabilang si Gumapon sa drug list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mino-monitor ng Municipal Drug Enforcement Unit dahil sa umano’y ilegal na aktibidad.

Sa isinagawang buy-bust operation, nakabili ang undercover police ng isang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P500.

Nang arestuhin ang mga suspek, narekober pa mula kay Gumapon ang 0.85 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P5,780.

Ayon kay Batobalonos, matagal nang sangkot ang barangay opisyal sa kalakalan ng ilegal na droga at ilang beses nang nakaiwas sa mga awtoridad.

Naniniwala ang pulisya na malaking epekto sa suplay ng droga sa barangay ang pagkakaaresto sa suspek.

Nagpasalamat din ang pulisya sa mga residente at sa lokal na pamahalaan ng Oslob sa patuloy na suporta sa kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang krimen. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here