MANILA, Philippines — Iginiit ng Pilipinas ang agarang pagbibigay ng humanitarian assistance sa Myanmar habang pumapasok na sa ikalimang taon ang digmaang sibil sa naturang bansa.
Sa briefing sa United Nations Security Council (UNSC) sa New York, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, nagsisilbing special envoy ng 2026 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) chair sa Myanmar, na kailangang pabilisin ang paghahatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.
Ayon kay Lazaro, binigyang-diin niya ang patuloy na pagsisikap ng ASEAN upang maisulong ang Five-Point Consensus (5PC) na layong maibalik ang kapayapaan sa bansa.
“I highlighted ASEAN efforts to advance the Five-Point Consensus, stressed the urgency of delivering humanitarian assistance, and called for renewed cooperation in supporting a Myanmar-led and Myanmar-owned pathway to peace,” aniya sa kanyang post sa X.
Nagsimula ang krisis matapos ang military coup noong Pebrero 2021 na nagdulot ng malawakang displacement at matinding pagbagsak ng ekonomiya sa Myanmar.
Batay sa ulat ng World Health Organization noong Pebrero, lalong nahirapan ang paghahatid ng humanitarian aid dahil sa paglala ng armadong labanan.
Pinakaapektado ang mga rehiyon ng Chin, Rakhine at Sagaing kung saan nahaharang ang serbisyong pangkalusugan dahil sa patuloy na kaguluhan.
Samantala, ayon sa Assistance Association for Political Prisoners (AAPP), umabot na sa 30,448 pro-democracy activists at sibilyan ang naaresto mula nang mangyari ang coup.
Sa bilang na ito, 22,797 ang nananatiling nakakulong, habang 129 ang nahaharap sa parusang kamatayan.
Iniulat din ng grupo na hindi bababa sa 7,777 ang kumpirmadong nasawi, habang tinatayang 4,500 pang pagkamatay ang patuloy pang bineberipika. RNT/JGC