MANILA, Philippines – Naniniwala si Mamamayang LIberal Party-list Rep. Leila de Lima na ang Duterte camp ang nasa likod ng mga nangyayaring pagsangkot sa kanilang pangalan sa umano’y tumanggap ng pera ng 18 dating sundalo.
Giit ni De Lima, tama si Senator Antonio Trillanes na ang kampo ng mga Duterte ang nasa likod ng lahat dahil sa timing ng alegasyon laban sa kanila.
Ayon kay De Lima, nangyari ang paglabas ng mga alegasyon matapos magpahayag si Vice President Sara Duterte ng kanyang pagtakbo sa 2028 sa pagkapangulo.
Kasabay din ito ng kaganapan sa International Criminal Court (ICC) kung saan isinagawa ang confirmation of charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Malinaw aniya at klaro ang kanilang agenda para lituhin o i-distract ang mga tao.
“Akala nila maraming kakagat. Akala nila may maraming maniniwala. Akala nila makaka-cause ng distability dito sa atin,” saad ng mambabatas.
“Ito ang nakikita namin. Ito ay kagagawan ng Duterte camp,” dagdag pa ni De Lima.
Ngayong araw, naghain ng magkahiwalay na reklamo si de Lima sa National Bureau of Investigation (NBI) na cyberlibel at libel, at kasong perjury naman ang inihain sa Department of Justice (DOJ) laban sa nabanggit na mga dating sundalo at kanilang abogado na si Atty. Levi Baligod. Jocelyn Tabagcura-Domenden