MANILA, Philippines – Uusad na sa House Plenary ang usapin ng pag-abolish sa travel tax matapos aprubahan na ng House Committee on Ways and Means ang substitute bill para sa panukala.
Sa pagdinig ng komite na pinangunahan ni House Committee on Ways and Means Chairman at Marikina Rep Miro Quimbo ay nagmosyon si House Deputy Majority Leader Ernesto Dionisio na aprubahan na ang substitute bill, walang naging pagtutol kaya aprubado na ito sa committee level.
Ang substitute bill ay para sa House Bill Nos. 7443, 7367, 7612, 7703, 7757, 150, 3529, 3890, 4793, 5821, 6228, 6979, 7155, 7307, 7631, 7695 at 7758 o “An act abolishing the travel tax.”
Matapos maaprubahan sa House Committee on Ways and Means ay ipapasa ito sa House Committee on Approriations bago ipasa sa House Plenary para sa deliberasyon.
Sinabi ni Quimbo na ang mga programa na pinopondohan ng travel tax ay popondohan na sa ilalim ng General Appropriations Act kabilang dito ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), Commission on Higher Education (CHED) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Gail Mendoza