MANILA, Philippines – Pagkatapos maisabatas ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) Extension hanggang 2027, muling inihirit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na mas palawigin pa ang komisyon sa ikatlong pagkakataon upang matiyak na tuloy-tuloy ang reporma sa edukasyon.
Sa pahayag, sinabi ni Cayetano na makakatulong ang extension ng EDCOM II upang maipagpatuloy ng mambabatas at leader ng edukasyon ang mas malalim na reporma na kinakailangan upang malutas ang paulit-ulit na problema sa sektor.
“The people of EDCOM II have already proven themselves. Their work speaks for itself. If we follow it, we’ll get so far. This extension will help us push the reforms our education system needs,” anang minority leader.
Nilagdaan nitong Marso 4, 2026 ang Republic Act No. 12315, na nag-aamyenda sa Republic Act No. 11899, upang palawigin ang mandato ng komisyon hanggang December 31, 2027.
Ang orihinal na termino ng EDCOM II ay nakatakdang matapos noong December 2025, ngunit ayon sa ilang mambabatas, kailangan ng karagdagang panahon para sa reporma, konsultasyon, at pagsubaybay sa implementasyon ng national agenda sa edukasyon.
Bilang dating co-chair ng EDCOM II at dating Chairman ng Senate Committee on Higher Education, sinabi ni Cayetano na naintindihan niya ang malalim na suliranin sa edukasyon sa bansa.
“EDCOM really made me understand the problems in education and how to try to fix it,” sabi niya.
Magbibigay daan ang extension upang ipagpatuloy ng komisyon ang pagsusuri sa reporma sa curriculum, training ng guro, imprastruktura ng paaralan, at mga learning resources.
Makakatulong din ito sa pag-update ng national roadmap sa edukasyon sa pamamagitan ng integrasyon ng mga bagong teknolohiya tulad ng artificial intelligence, digital systems, at green innovations upang maihanda ang mga Filipino learners para sa hinaharap na trabaho.
Binigyang diin ni Cayetano na ang pagpapabuti sa sistema ng edukasyon ay nangangailangan ng matapang at mabilis na aksyon mula sa mga mambabatas at ahensya ng gobyerno.
“We have to do something radical. The task of the 20th Congress is not only for change or to do something, but it is the radical change that is needed, the hard decisions. [Let’s] put our money where our mouth is,” wika niya.
Pagtatatag ng EDCOM III
Hinimok din ng senador ang tuloy-tuloy na reporma sa edukasyon sa pamamagitan ng Senate Bill No. 103, na naglalayong magtatag ng Third Congressional Commission on Education o EDCOM III.
Layunin ng panukalang komisyon na palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng Department of Education, Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority upang mai-align ang mga patakaran sa edukasyon sa pangangailangan ng workforce at pambansang kaunlaran.
Dadalhin ang EDCOM III sa estilo ng parliamentary commission, kung saan makikipagtulungan ang mga education leaders, mambabatas, at stakeholders sa paghubog ng pangmatagalang reporma habang tinitiyak ang pagsubaybay sa implementasyon ng mga polisiya.
Hindi tulad ng mga time-bound commissions, maghahatid ang EDCOM III ng pangmatagalang institusyon na makakapagpanatili ng repormang lampas sa termino ng isang administrasyon.
“It’s such an honor to be a part of this. I will try to do my best and serve well so that we don’t steal from this generation,” sabi ni Cayetano. Ernie Reyes