Home NATIONWIDE Akusasyon sa pag-deliber ng maleta mula kay Zaldy Co ‘demolition job’ –...

Akusasyon sa pag-deliber ng maleta mula kay Zaldy Co ‘demolition job’ – Catapang

178
0

MANILA, Philippines – Isa umanong demolition job ang pagdawit sa pangalan ni Bureau of Corrections Director Gregorio Catapang Jr matapos siyang akusahan na nagdeliver ng walong maleta ng pera kay dating Ako Bicol Party-list Zaldy Co.

Ito ang sinabi ni Catapang matapos siyang maghain ng perjury at cyberlibel complaint sa Department of Justice (DOJ) nitong Lunes ng hapon, Marso 9 laban sa 18 dating sundalo at kay Atty. Levi Baligod.

Ayon kay Catapang, ang alegasyon laban sa kanya ay paninirang puri na hindi na niya kayang palagpasin.

“Sa pagkakataong ito hindi ko na kayang palampasin dahil paninirang puri na ito demolition job na po ito,” aniya.

Giit pa niya, hindi totoo ang mga paratang sa kanya dahil unang-una ay wala namang ganung kalaking pera ang BuCor para nakawin niya.

Wala rin naman aniyang DPWH projects ang BuCor at wala ring ghost projects gayundin hindi aniya sila sangkot sa anumang anomalya.

Pagkatapos maghain ng reklamo si Catapang sa DOJ ay nakatakda rin siyang maghain ng “disbarment” case sa Korte Suprema laban kay Atty Baligod.

Paliwanag ni Catapang, ang disbarment case na kanyang ihahain sa SC laban kay Baligod ay dahil aniya bilang abogado, nanumpa siya na magsasabi ng totoo.

Sa alegasyon kasi ni Baligod ay sinabing nagdeliver si Catapang ng walong maleta na naglalaman ng pera at nasangkot din umano sa pagnanakaw sa pagkain ng mga bilanggo o mga PDLs. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here