DASMARIÑAS, CAVITE – Mas malapit na sa katotohanan ang pangarap na sariling bahay ng libo-libong manggagawang Pilipino. Ito ay matapos pangunahan ni DHSUD Secretary Jose Ramon P. Aliling, kasama si Pag-IBIG Fund CEO Marilene C. Acosta, ang makasaysayang first concrete pouring para sa dalawang dambuhalang pabahay sa Dasmariñas nitong Miyerkules, March 4.
7,000 Condos para sa Masa
Personal na sinuri nina Sec. Aliling at CEO Acosta ang mga site sa Barangay Salitran at Barangay Paliparan kung saan itatayo ang 26 na condominium towers. Ang proyektong ito ay bahagi ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Acosta, ang mahigit 7,000 units na ito ay idinisenyo na may “premium features” pero sa presyong abot-kaya at swak sa bulsa ng mga miyembro ng Pag-IBIG.
“Ang layunin natin ay hindi lang basta magpatayo ng pader at bubong, kundi magbigay ng disente at ligtas na tahanan na malapit sa trabaho at serbisyo para sa ating mga working families,” pahayag ng masipag na CEO.
Hindi matatawaran ang galing ng pamumuno ni CEO Acosta dahil sa ilalim niya, patuloy na humahataw ang Pag-IBIG Fund sa laki ng kinikita nito, na naibabalik naman sa mga miyembro sa pamamagitan ng mataas na dibidendo at mas pinalakas na serbisyo. Dahil sa kanyang “hands-on” na liderato at maayos na pagpapatakbo sa pondo ng bayan, mas maraming Pilipino ngayon ang nagkakaroon ng pagkakataong magkaroon ng sariling bahay sa pamamagitan ng mababang interes at mas pinadaling proseso sa pautang.
Ang tagumpay ng 4PH project sa Cavite ay isa lamang sa maraming patunay na sa ilalim ni Acosta, ang pera ng miyembro ay diretsong napupunta sa mga proyektong may tunay na pakinabang sa masa.
Unang Sabak ng Megawide sa Socialized Housing
Isang mahalagang aspeto ng proyektong ito ang pakikilahok ng Megawide, isa sa mga nangungunang kontraktor sa bansa. Ito ang kanilang unang malaking proyekto sa larangan ng socialized housing, bitbit ang kanilang teknolohiya at bilis sa konstruksyon.
Nangako si Megawide Chairman Edgar Saavedra na magtatayo ng kabuuang 100,000 units bilang suporta sa adhikain ng DHSUD at Pag-IBIG Fund.
Target ni CEO Acosta at ng Pag-IBIG Fund na matapos ang mga unang gusali sa March 2027.
Sa oras na makumpleto ito, mahigit 21,000 indibidwal ang magkakaroon ng bagong buhay sa sarili nilang tahanan.
Saksing-buhay rin sa aktibidad ang mga Deputy CEOs ng Pag-IBIG na sina Alexander Aguilar, Benjamin Felix Jr., Robert John Cosico, at Marcial Pimentel Jr. upang suportahan ang tagumpay ng ahensya at ng DHSUD.






