HABANG ang bawat pamilyang Pilipino ay pilit na pinagkakasya ang kakarampot na sahod sa gitna ng nagtataasang presyo ng bilihin at banta ng krisis sa Middle East, ang Malacañang ay tila naging palaruan ng mga elitista.
Ang panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. para sa “pagtitipid” ay lumalabas na isang malaking PAGKUKUNWARI. Paano hihingi ng sakripisyo sa taumbayan ang isang lider na siya mismong host ng mga marangyang pagtitipon sa loob ng Palasyo?
Hindi ito usapin ng sining o ng “Latina Manila” wallpaper dahil ito ay usapin ng DOUBLE STANDARD. Ang mensaheng ipinaparating ng administrasyong ito ay malinaw na ang batas at disiplina ay para sa mahihirap, habang ang luho at party ay para sa mga nasa kapangyarihan at kanilang mga kaibigang banyaga.
Ang gabinete at ang Pangulo ay dapat magsilbing ehemplo ng DELICADEZA. Sa halip na mag-imbita ng mga international guest para sa isang “social event,” dapat ay nakatutok ang bawat sentimo at bawat minuto ng Palasyo sa pagbuo ng solusyon para sa nakaambang krisis sa enerhiya at pagkain.
Ang pagbubukas ng pintuan ng Malacañang para sa ganitong uri ng kagarbohan—habang ang mga Pilipino ay pinagpapawisan sa ilalim ng init at mahal na kuryente—ay isang insulto sa dignidad ng bansa. Hindi kailangan ng Pilipinas ng mamahaling wallpaper sa Kalayaan Hall; ang kailangan natin ay isang gobyernong marunong makiisa sa hirap ng kanyang mamamayan.
Stop parties, start leading
Ang masakit na katotohanan, habang abala ang Palasyo sa pag-aaliw sa mga banyagang bisita, tila nakakaligtaan nila ang tunay na krisis sa labas ng bakod ng Malacañang. Ang pagdaos ng ganitong kaluhong pagtitipon ay nagpapatunay na ang administrasyong ito ay “OUT OF TOUCH ” sa reyalidad ng masa.
Nasaan ang lideratong dapat ay nangunguna sa sakripisyo? Kung ang utos ng Malacañang ay magtipid ang taumbayan sa koryente at krudo, bakit ang Palasyo ay tila walang preno sa paggamit ng resources para sa mga walang saysay na social gathering? Ang bawat ilaw na nakasindi at bawat aircon na nakabukas para sa “Latina Manila” event ay binayaran ng buwis ng mga Pilipinong nagkukumahog sa pagpapatulo ng pawis.
Hindi wallpaper ang magliligtas sa ekonomiya, at hindi party ang sasagot sa gutom. Kung hindi kayang magpakita ng sinseridad at disiplina ang Pangulo sa loob mismo ng kanyang tahanan, paano pa siya aasahan ng taumbayan na mamuno sa gitna ng darating na unos?






