MANILA, Philippines — Posibleng bumaba ng P6 kada litro ang presyo ng diesel at P10 kada litro ang gasolina kung isususpinde ang excise tax sa petroleum products, ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev).
Inilahad ni DEPDev Undersecretary Rosemarie Edillon ang mga pagtatayang ito sa pagdinig ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa House ways and means committee habang tinatalakay ang mga panukalang magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendihin o bawasan ang fuel excise taxes sa panahon ng emergency, kabilang ang umiiral na sigalot sa Middle East.
Isa sa mga panukala ang House Bill No. 8292 nina Speaker Faustino Dy III at Majority Leader Sandro Marcos na naglalayong pahintulutan ang Pangulo na suspendihin o bawasan ang excise tax sa petroleum products sa panahon ng pambansa o pandaigdigang economic emergency.
Ayon kay Edillon, nagsagawa ang DEPDev ng simulation sa dalawang senaryo: una, kung aabot sa $98 o hindi bababa sa $80 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude hanggang Abril; at ikalawa, ang worst-case scenario kung saan maaaring umabot sa $140 kada bariles ang presyo dahil sa matagal na pagsasara ng Strait of Hormuz na dinadaanan ng humigit-kumulang 20% ng global seaborne oil trade.
“We simulated the impact of an excise tax suspension. We know that for regular gasoline, its P10 pesos per liter. And then for diesel, P6 pesos per liter. With excise tax suspension under scenario 1, the average cost of diesel at P74.22 pesos per liter will go down to P67.50 per liter. And then for April, from P67.33, it could go down to P60.61,” ayon kay Edillon.
Aniya, maaaring bumaba ang presyo ng gasolina mula P70.20 kada litro sa P59 kada litro ngayong Marso.
Sa ikalawang senaryo, sinabi ni Edillon na ang average na presyo ng diesel na posibleng umabot sa P96.76 kada litro ay maaaring bumaba sa P90.04 kada litro sa Marso. Pagsapit ng Abril, ang inaasahang presyo na P91.19 kada litro ay maaaring bumaba sa P84.47 kung isususpinde ang excise tax.
Para naman sa gasolina, ang inaasahang average na presyo na P64.59 kada litro sa Abril ay maaaring bumaba sa P53.39 kada litro.
“In terms of incidence of the impact, of course, the effect on diesel users is greater on the lower income class, but there is also a spillover. Whereas, for gasoline, it’s more or less shared across. It’s almost uniform,” dagdag ni Edillon.
Sa ilalim ng HB 8292, maaaring suspendihin o bawasan ng Pangulo ang excise tax sa fuel kung aabot sa hindi bababa sa $80 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan, o kung may pambansang emergency o kalamidad na magdudulot ng matinding pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Maaaring ipatupad ang suspensyon sa piling petroleum products sa loob ng hanggang anim na buwan, na maaari pang palawigin ng Kongreso ngunit hindi lalampas sa kabuuang isang taon.
Inaatasan din ng panukala ang Pangulo na magsumite ng ulat sa Kongreso sa loob ng 15 araw matapos ipatupad ang suspensyon at buwan-buwan pagkatapos nito, na naglalaman ng batayan ng hakbang, tinatayang mawawalang kita ng gobyerno, at inaasahang epekto nito sa presyo ng langis at inflation.
“Rising fuel prices impose a disproportionate burden on the most vulnerable sectors of society, particularly farmers, fisherfolk, public transport operators, small enterprises, and low-income households whose livelihoods are directly affected by increases in petroleum costs,” ayon sa panukala.
“In times of national emergency or sudden global disruption, the government must be equipped to act swiftly to mitigate the impact of these shocks and safeguard the welfare of the Filipino people,” dagdag pa nito.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na pormal na hihiling si Pangulong Marcos sa Kongreso ng emergency powers upang mabawasan ang excise taxes sa fuel products sa gitna ng sigalot sa Middle East.
Samantala, haharap ang mga motorista sa panibagong malakihang taas-presyo ng langis ngayong Martes—ang ikasiyam na sunod na linggo ng pagtaas sa gasolina at ika-11 naman para sa diesel at kerosene.
Batay sa datos ng Department of Energy (DOE), posibleng tumaas ang presyo ng gasolina ng P7.00 hanggang P13.00 kada litro, diesel ng P17.50 hanggang P24.25, at kerosene ng P32.00 hanggang P38.50 kada litro. Santi Celario