Home METRO 4-day onsite workweek, ipinatupad sa Parañaque

4-day onsite workweek, ipinatupad sa Parañaque

194
0

MANILA, Philippines – Kaugnay sa inilabas na direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), sinimulan nang ipatupad ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang four-day on-site work scheme bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa nangyayaring kaguluhan sa Middle East.

Kasabay nito ay naglabas ng memorandum order si Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez patungkol sa implementasyon ng work-from-home (WFH) arrangement tuwing araw ng Biyernes para sa mga empleyado ng city hall.

Sinabi ni Olivarez na ang kanyang inilabas na memorandum order na may petsang Marso 8 ay may kinalaman sa direktiba ni PBBM na humihimok sa mga opisina ng gobyerno sa pagpapatupad ng four-day physical workweek.

Bukod sa WFH arrangement, ipinag-utos din ni Olivarez ang pagtitipid sa paggamit ng kuryente sa pamamagitan ng pagpapatay ng kani-kanilang mga air-conditioning units 30 minuto hanggang isang oras bago matapos ang kanilang oras ng trabaho, kabilang na dito ang pagpatay ng mga ilaw na hindi ginagamit, mga computer, at iba pang mga kagamitang gumagamit ng kuryente.

Ani pa ni Olivarez, ang lahat ng empleyado ng city hall ay kailangang pisikal na mag-report sa trabaho mula Lunes hanggang Huwebes, habang ang araw ng Biyernes ay araw ng WFH.

Upang masiguro ang pagtitipid ng kuryente sa bawat opisina ng lokal na pamahalaan, dagdag pa ni Olivarez na ang paggamit ng kuryente, gayundin ang paggamit ng mga sasakyan ng gobyerno, ay mahigpit na ililimita lamang sa mga opisyal na aksyon at aktibidad sa lungsod.

Gayunpaman, ang mga tanggapan at departamento na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo tulad ng sa pangkalusugan, mga pangyayaring nagdudulot ng panganib at pinsala sa tao, kapaligiran, at mga gawaing pang-ekonomiya, gayundin ang mga tumutugon sa kalamidad, ay hindi kabilang sa nabanggit na direktiba at magpapatuloy sa kanilang regular na operasyon. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here