VATICAN – Labis na ikinakungkot ni Pope Leo XIV ang sinapit ng mga biktima ng digmaan sa Gitnang Silangan at binanggit ang “maraming inosenteng tao” na nasawi sa labanan, kabilang ang isang paring Lebanese, ayon sa Vatican nitong Lunes.
Ayon kay Matteo Bruni, tagapagsalita ng Vatican, binanggit ng Santo Papa ang “mga tumutulong sa kanila,” partikular si Father Pierre al-Rai ng Al-Qlayaa. Namatay ang pari nitong Lunes dahil sa mga sugat mula sa Israeli tank fire na tumama sa isang bahay sa bayang Kristiyano, ayon sa state media at isang medical source na nakausap ng AFP.
Noong nakaraang linggo, ayon sa mga opisyal ng Iran, isang matinding pag-atake sa isang Iranian elementary school ang pumatay ng hindi bababa sa 150 katao.
Hindi pa makumpirma ng AFP ang mga detalye ng insidente o ang bilang ng mga nasawi.
Ang Santo Papa ay “nagmamasid sa mga kaganapan nang may pagkabahala at nananalangin para sa agarang pagtatapos ng labanan,” ayon kay Bruni sa isang pahayag.
Ang 70-taong-gulang na Santo Papa ay naging maingat simula nang magsimula ang pambobomba laban sa Iran ng Estados Unidos at Israel, nananawagan ng kapayapaan ngunit hindi binabanggit ang alinmang panig.
Noong Linggo, nanalangin siya na tumigil na ang “ingay ng mga bomba” sa Gitnang Silangan, isang linggo matapos manawagan ng pagtatapos ng “spiral ng karahasan” sa rehiyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden