MANILA, Philippines – Inaresto ang 10 lalaki dahil sa illegal na pagpasok at pagkubkob sa compound ng isang publishing house sa G. Araneta Avenue noong Lunes ng gabi, Marso 9.
Sa ulat, nagsimula ang standoff bandang alas-4 ng hapon nang pumasok ang mga hindi kilalang lalaki sa publishing house at sapilitang pinalabas ang mga empleyado.
Inabot ng halos apat na oras ang negosasyon sa pagitan ng mga awtoridad at mga suspek.
Kalaunan ay napilitang pumasok ang SWAT team nang hindi sumuko ang mga lalaki.
Ayon kay Lt. Col. Jose Luis Aguirre, hepe ng La Loma Police Station, sa panayam ng ABSCBN News, nag-ugat ang gulo sa away ng apat na magkakapatid na board of directors ng kompanya.
Napaulat na tinanggal sa pwesto ang isa sa mga kapatid na nauwi sa tangkang pagbawi sa gusali.
Nagpanggap ang mga suspek na security guard ngunit natuklasan nilang trainee lamang ang mga ito at walang kaukulang lisensya.
Sa sampung inaresto, walo ang nagpakilalang guwardiya ngunit walang lisensya. Ang isa naman ay tukoy na security guard at ang isa ay messenger ng isang security agency.
Narekober sa mga ito ang apat na baril at 20 piraso ng bala.
Dumipensa naman ang isa sa mga suspek at sinabing napilitan lamang sila sa utos ng kanilang training center.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek na mahaharap sa reklamong trespassing, usurpation of authority, at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa apat na lalaking nahulihan ng baril.
Walang pahayag ang publishing company kasabay ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa insidente. RNT/JGC